Sinabi kamakailan ni Carla Hills, dating Trade Representative ng Amerika, na ang pagtatagpo at pagkakasundo ng mga pangulo ng Tsina at Amerika ay "unang hakbang" upang itaguyod ang patuloy na pag-unlad sa negosasyon sa kalakalan sa pagitan ng dalawang bansa.
Sa palagay ni Hills, ang pagsang-ayon ng Tsina at Amerika na muling isagawa ang negosasyon sa kabuhayan at kalakalan batay sa pagkakapantay-pantay at paggalang sa isa't isa at hindi na magpataw ang Amerika ng mga bagong taripa sa mga produktong Tsino na aangkatin nito ay unang hakbang sa pagsisikap ng magkabilang panig upang maabot ang isang trade agreement. Kung ang dalawang bansa ay patuloy na magsasagawa ng mga aktibong hakbang sa batayang ito, ang kabuhayan ng kapwa bansa ay makikinabang nang sobrang sobra at mapapalakas din ang bilateral na relasyon sa hinaharap.
Sinabi rin ni Hills na inaasahan ng lahat ng mga negosyante, manggagawa at magsasaka sa Amerika na maaaring makamit ng mga grupong pangnegosasyon ng Tsina at Amerika ang mas maraming pag-unlad at positibong resulta sa hinaharap. Nanawagan siya sa kapwa panig na tugunan sa lalong madaling panahon at regular na mag-usap upang lutasin ang mga problema.
Salin: George Guo