Nagpulong sa Vienna nitong Miyerkules, Hulyo 10, 2019 ang International Atomic Energy Agency (IAEA) Council para suriin ang mga kaukulang isyu ng pagpapatupad ng Iran ng komprehensibong kasunduan ng isyung nuklear ng Iran. Dumalo rito ang 35 kasaping bansa ng IAEA Council na gaya ng Tsina, Amerika, Rusya, Britanya, Pransya, at Alemanya.
Idinaos ang nasabing espesyal na pulong sa kahilingan ng Amerika. Naninindigan ang nakakaraming kasapi ng konseho na dapat pangalagaan ang komprehensibong kasunduan. Nagpahayag din sila ng lubos na pagkadismaya sa pagtalikod ng Amerika ng kasunduan at pagpapataw ng sukdulang presyur laban sa Iran. Samantala, nanawagan sila sa Iran na komprehensibong tupdin ang pangako nito.
Ipinahayag ni Fu Cong, puno ng delegasyong Tsino sa pulong, na ang kasalukuyang krisis ng isyung nuklear ng Iran ay nag-ugat sa pagpataw ng panig Amerikano ng matinding presyur laban sa Iran. Inulit din niya na buong tatag na pinuproteksyunan at kinakatigan ang naturang komprehensibong kasunduan ng Tsina, buong tatag na tinutupad ang nagawa nitong pangako, at buong tatag ding pinangangalagaan ang sariling lehitimong karapatan at kapakanan.
Salin: Li Feng