Pagkaraang maganap kamakalawa ng gabi, Martes, ika-23 ng Hulyo 2019, ang grabeng landslide sa Shuicheng County, lalawigang Guizhou sa timog kanlurang Tsina, binigyan ni Xi Jinping, Pangulong Tsino, ng malaking pansin ang kalagayan ng kalamidad, at ipinahayag niya ang instruksyon tungkol sa buong sikap na pagsasagawa ng mga gawain ng pagliligtas sa mga na-stranded na mamamayan, pagbibigay-lunas sa mga nasugatan, pagbibigay-tulong sa mga apektadong mamamayan, pagpapayapa ng mga kamag-anakan ng mga nabiktima, at iba pa.
Sinabi rin ni Xi, na tag-ulan na sa maraming lugar ng Tsina at dapat aniyang pag-ibayuhin ng iba't ibang lugar ang pagpigil sa mga katulad na kapahamakan, at palakasin ang pagbibigay ng paunang babala, para igarantiya ang kaligtasan ng mga mamamayan at kanilang mga ari-arian.
Samantala, hiniling naman ni Premyer Li Keqiang ng Tsina sa Ministri ng Pangangasiwa ng Kagipitan, Ministri ng Likas na Yaman, Pambansang Komisyon ng Kalusugan, at iba pang may kinalamang departamento ng pamahalaan, na ipadala ang magkakasanib na grupo sa lugar ng kalamidad para isagawa ang rescue work.
Ayon sa ulat, nakabaon sa landslide ang 21 pabahay. Hanggang sa kasalukuyan, 11 katao ang nailigtas, 11 naman ang nasawi, at nawawala pa ang 34 na katao.
Salin: Liu Kai