Binatikos Linggo, Setyembre 1, 2019 ng Tanggapan ng Komisyoner ng Minsitring Panlabas ng Tsina sa Espesyal na Rehiyong Administratibo ng Hong Kong (HKSAR) ang pananalita ng mga kongresistang Amerikano hinggil sa Hong Kong, at matinding kinondena ang pakikialam ng mga ito sa mga suliranin ng Hong Kong at isyung panloob ng Tsina.
Ayon sa ulat, sinabi kamakailan nina Elliott Engel, Tagapangulo ng House Committee on Foreign Affairs, at Kongresista Michael McCaul ng Amerika na ang mga ekstrimistikong marahas na demonstrador ay "nagpapakita ng kagalang-galang na lakas-loob." Bukod dito, siniraang-puri rin nila ang patakaran sa Hong Kong ng pamahalaang sentral ng Tsina, at nagsalita ng kung anu-ano hinggil sa pamamalakad ng pamahalaan ng HKSAR alinsunod sa batas.
Kaugnay nito, ipinahayag ng naturang tanggapan na mahigit 2 buwan nang nagpapatuloy ang ekstrimistikong karahasan sa Hong Kong, bagay na nagdulot ng grabeng kapinsalaan sa kabuhayan, lipunan at pamumuhay ng mga mamamayan sa lokalidad. Ang papuri ng ilang pulitikong Amerikano sa mga marahas na tauhan ay nagpapakita ng pananabik nila sa paglikha ng kaguluhan sa Hong Kong.
Salin: Vera