Lunes, Setyembre 23, 2019 ay autumnal equinox, ayon sa 24 na solar terms ng Tsina. Ito rin ang kapistahan ng anihan ng mga magsasaka ng Tsina sa taong 2019. Sa pamamagitan ng CCTV-17, himpilan ng telebisyon para sa agrikultura at kanayunan ng China Media Group, ipinahayag ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang taos-pusong pangungumusta sa mga magsasaka at mga trabahante ng unang prente ng agrikultura at kanayunan. Bumati rin siya sa pormal na pagsasahimpapawid ng CCTV-17.
Tinukoy ni Xi na kung matibay ang pundasyong agrikultural, may sapat na lakas-panulak para sa pag-unlad ng bansa. Aniya, ang mga natamong tagumpay sa larangan ng agrikultura, kanayunan at mga magsasaka ay bunga ng magkakasamang pagsisikap ng lahat ng mga miyembro ng partido at bansa. Ito rin aniya ay bunga ng pagpupunyagi ng mga magsasaka at mga kawani sa larangan ng agrikultura.
Umaasa si Xi na malalimang mapapalaganap ng CCTV-17 ang mga patakaran at hakbangin ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC) hinggil sa mga gawaing may kinalaman sa agrikultura, kanayunan at mga magsasaka, ikokober ang mga bagong imahe ng agrikultura, kanayunan at mga magsasaka ng Tsina sa bagong panahon, at gagawin ang ambag para sa pagpapasulong sa reporma't pag-unlad ng agrikultura at kanayunan ng bansa.
Salin: Vera