Sa pagtataguyod ng Press Center para sa selebrasyon ng ika-70 anibersaryo ng pagkakatatag ng Republikang Bayan ng Tsina, bumisita kahapon, Martes, ika-24 ng Setyembre 2019, sa Beijing, ang mahigit 100 mamamahayag mula sa mahigit 60 bansa at rehiyong gaya ng Rusya, Hapon, Timog Korea, Singapore, at iba pa, sa ilang venue ng 2022 Beijing Winter Olympics na kinabibilangan ng National Speed Skating Oval o "Ice Ribbon," National Stadium o "Bird's Nest," at National Aquatics Center o "Water Cube."
Sa naturang 3 venue, ang National Speed Skating Oval ay bagong naitayo para sa 2022 Winter Olympics, samantalang ang National Stadium at National Aquatics Center naman ay mga venue ng 2008 Beijing Summer Olympics na gagamitin din sa darating na Winter Olympics. Kabilang dito, sa pamamagitan ng mga maunlad na teknolohiya ng pagkontrol sa temperatura at humidity, ang Water Cube ay magiging Ice Cube, at pagdarausan ng mga paligsahan ng curling ng 2022 Winter Olympics. Ang ganitong paraan ng renobasyon at muling paggamit ng venue ay hinahangaan ng mga dayuhang mamamahayag.
Salin: Liu Kai