|
||||||||
|
||
Ayon sa ulat, mula noong Oktubre 1949 hanggang katapusan ng 2018, nakuha ng mga atletang Tsino ang 3458 kampeonato sa mga pandaigdig na palaro, at nakalikha ang mga ito ng 1332 world record. Sa kasalukuyan, lampas sa 25 libo ang bilang ng mga aktibong atleta sa Tsina, at umabot sa halos 130 libo ang kabuuang bilang ng mga tagapagsanay at referee.
Kasunod ng pag-unlad ng palakasan, sumusulong din ang kalusugan ng masa at industriya ng palakasan ng Tsina. Simula noong 2009, itinakda ang ika-8 ng Agosto bilang National Fitness Day ng Tsina. Kaugnay nito, naitayo na sa kasalukuyan ang mahigit 3.1 milyong pasilidad na pampalakasan para sa publiko, at mahigit 400 milyong Tsino ang lumalahok sa regular na pag-e-ehersisyo. Samantala, mahigit 200 pandaigdig na palaro ang idinaraos sa Tsina taun-taon. Noong 2017, lumampas sa 2 trilyong yuan RMB ang kabuuang halaga ng industriya ng palakasan ng bansa, at ang halagang ito ay umabot sa halos 1% ng GDP sa taong iyon.
Ang pagpapaunlad at pagsuporta sa mga atleta ay minsan nang naging priyoridad sa usapin ng palakasan ng Tsina. Malaking pagsisikap ang ginagawa ng pamahalaan para magpadala ng mga atleta sa Olympic Games at magkaroon ng magandang resulta. Noong 2008 Olympic Games sa Beijing, sa pamamagitan ng 51 medalyang ginto, ang Tsina ay umakyat sa unang puwesto, at ito ang kauna-unahang pagkakataong nanguna ang isang bansang Asyano sa listahan ng mga nagkamit ng medalyang ginto sa Olympic Games. Dahil sa magandang resulta ng mga atleta sa mga pandaigdig na palaro, ang Tsina ay naging kilala sa pandaigdig na larangan ng palakasan at pinapasigla rin nito ang paglahok ng mga karaniwang Tsino sa palakasan.
Nitong ilang taong nakalipas, pinag-iibayo ng pamahalaang Tsino ang pagpapahalaga sa pagpapasulong ng palakasang pampubliko. Sa pamamagitan ng pagtatayo at pagbubukas ng mas maraming pasilidad na pampalakasan para sa publiko, at pagkakaloob ng mas maraming paraan ng palakasan, parami nang paraming Tsino ang lumalahok sa regular na pag-e-ehersisyo at mga aktibidad na pampalakasan. Ito ay makakabuti hindi lamang sa kalakasan ng katawan ng mga mamamayan, kundi rin sa pagpili ng mga atleta. At sa pamamagitan nito, ang Tsina ay sumusulong bilang bansang may dekalidad na mga atleta at may mga mamamayang mahilig sa palakasan.
Salin: Liu Kai
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |