Ayon sa estadistikang inilabas nitong Lunes, Oktubre 14, 2019 ng Pambansang Administrasyon ng Adwana ng Tsina, noong unang tatlong kuwarter ng kasalukuyang taon, umabot sa 22.91 trilyong yuan RMB ang kabuuang halaga ng pag-aangkat at pagluluwas ng kalakalang panlabas ng Tsina, at ito ay lumaki ng 2.8% kumpara sa gayun ding panahon ng nagdaang taon. Sa kalagayang malinaw na bumagal ang kalakalang pandaigdig, nanatiling matatag sa kabuuan ang takbo ng kalakalang panlabas ng Tsina, at tumaas ang kalidad nito, bagay na nagpapakita ng kakayahang bumangon at potensyal ng kabuhayang Tsino.
Nitong nakalipas na 70 taon sapul nang itatag ang Republika ng Bayan ng Tsina, umusbong ang Tsina bilang nangungunang bansa ng kalakalan ng paninda sa daigdig, samantalang gumawa ito ng mahalagang ambag para sa kabuhayang pandaigdig. Ang pagluluwas ng Tsina ay nagkaloob ng mga produkto at materiyal na may mataas na performance to price ratio para sa buong mundo. Ang pag-aangkat nito naman ay nagkaloob ng napakalaking pamilihan, at nakapagpasulong sa paglago ng kabuhayang pandaigdig.
Sanhi ng epekto ng unilateralismo at proteksyonismong pangkalakalan, nananatiling matumal sa kabuuan ngayon ang kalakalang panlabas ng daigdig, bagay na nakatawag ng pagkabalisa ng mga organong pandaigdig. Ang matatag na tunghin ng pag-unlad ng kalakalang panlabas ng Tsina ay nagpapakitang hindi magbabago ang pangkalahatang tunguhin ng pag-unlad ng kalakalang panlabas ng Tsina na may malakas na potensyal, pagbuti ng estruktura, at pagbilis ng pagbabago ng lakas-panulak. Kinakatigan din nito ang katatagan ng kabuhayang pandaigdig.
Salin: Vera