Magkakasamang ipinatalastas ngayong araw, Huwebes, ika-31 ng Oktubre 2019, ng Ministri ng Industriya at Teknolohiya ng Impormasyon ng Tsina, at tatlong pangunahing communication service provider ng bansa, ang pagsisimula ng 5G commercial use. Ito ay palatandaang opisyal nang pumasok ang Tsina sa bagong panahon ng 5G.
Ayon kay Chen Zhaoxiong, Pangalawang Ministro ng nabanggit na ministri, ang teknolohiya ng 5G ay magdudulot ng mas mabuting serbisyo ng telekomunikasyon, at magbibigay ng bagong sigla sa de-kalidad na pag-unlad ng kabuhayan at lipunan ng Tsina.
Isiniwalat din niyang, sa kasalukuyan, maganda na ang 5G coverage sa mga malaking lunsod na gaya ng Beijing, Shanghai, Guangzhou, Hangzhou, at iba pa. Sa katapusan ng taong ito, lalampas sa 130 libo ang kabuuang bilang ng mga 5G base station sa buong Tsina, dagdag ni Chen.
Salin: Liu Kai