|
||||||||
|
||
Sa tulong ng Tsina, inilunsad nitong nagdaang Biyernes, Disyembre 20 ang unang satellite ng Ethiopia sa Taiyuan Satellite Launch Center sa dakong hilaga-kanluran ng Tsina. Kaugnay nito, sinabi nitong Martes, Disyembre 24 ni Geng Shuang, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina na layon ng nasabing ayuda na isagawa ng Ethiopia ang pananaliksik bilang tugon sa pagbabago ng klima at pasulungin ang pag-unlad at pamumuhay ng mga mamamayang lokal.
Inulit ni Geng na ang pagkakaibigan sa pagitan ng Tsina at mga bansang Aprikano ay hindi "abstract," kundi konkreto. Ang naturang paglulunsad ng satellite ay bunga ng kooperasyon ng Tsina't Ethiopia sa kalawakan at abiyasyon. Nauna rito, tinulungan din ng Tsina ang Nigeria at Algeria sa paglunsad ng katulad na satellite, sa ilalim ng kooperasyong Timog-Timog para matugunan ang pagbabago ng klima at paunlarin ang agrikultura.
Makaraang pumasok sa orbita ang satellite, maaaring sarilinang isaoperasyon ito ng Ethiopia. Ito ay isa pa ring ehemplo ng pagtuturo ng Tsina sa iba ng pangangaisda sa halip ng pagbibigay ng isda, dagdag pa ni Geng.
Matatandaang noong 2018, pinagtibay sa Summit ng Forum on China-Africa Cooperation (FOCAC) ang Beijing Action Plan (2019-2021). Ayon sa nasabing plano, ang Tsina ay patuloy na magkakaloob ng mga kagamitan, edukasyon at pagsasanay na meteorolohikal at remote-sensing sa mga bansang Aprikano.
Salin: Jade
Pulido: Rhio
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |