Nag-usap sa telepono, kagabi, Sabado, ika-4 ng Enero 2020, sina Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, at Sergey Lavrov, Ministrong Panlabas ng Rusya, tungkol sa kalagayan sa rehiyong Gulpo.
Ipinahayag ni Wang, na lubos na ikinababahala ng Tsina ang lumalalang tensyon sa pagitan ng Amerika at Iran. Dagdag niya, tinututulan ng Tsina ang pang-aabuso sa paggamit ng dahas sa relasyong pandaigdig. Aniya, bilang mga pirmihang kasaping bansa ng United Nations Security Council, may malaking responsibilidad ang Tsina at Rusya para sa pandaigdig na kapayapaan at katiwasayan. Dapat palakasin ng dalawang bansa ang pag-uugnayan, upang patingkarin ang responsableng papel para sa maayos na pagharap sa kasalukuyang kalagayan sa Gitnang Silangan at rehiyong Gulpo, diin ni Wang.
Ipinahayag naman ni Lavrov, na pareho ang paninindigan ng Rusya sa pahayag ni Wang. Aniya, ilegal at dapat kondenahin ang operasyon ng Amerika na nakatuon sa personaheng militar ng Iran. Ito rin ay aksyon ng pagyurak sa soberanya ng ibang bansa, na tinututulan ng Rusya, dagdag ni Lavrov. Ipinahayag din niya ang kahandaan ng Rusya, na palakasin ang pakikipagkoordina sa Tsina, upang gumanap ng konstruktibong papel para iwasan ang paglala ng tensyon sa naturang rehiyon.
Salin: Liu Kai