Pagkaraang lagdaan kahapon, local time, Enero 15, 2020, sa Washington D.C. ng Tsina at Amerika ang unang yugtong kasunduang pangkalakalan, nagkaroon ng preskon si Liu He, Pangalawang Premyer Tsino.
Sinabi ni Liu, na ang pagkakasundo ng Tsina at Amerika sa nasabing kasunduan ay angkop sa mga tuntunin ng World Trade Organization at mga prinsipyo ng pamilihan. Ito aniya ay nagpapakita ng mutuwal na kapakinabangan at win-win situation ng kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan ng Tsina at Amerika, at makakabuti sa kapwa bansa at maging sa buong mundo.
Dagdag ni Liu, batay sa prinsipyo ng pagkakapantay-pantay at paggagalangan, magsisikap ang panig Tsino, kasama ng panig Amerikano, para ipatupad ang mga nilalaman ng nasabing kasunduan. Dapat din aniyang isaalang-alang ng dalawang panig ang mga pagkabahala ng isa't isa, at isagawa ang mas maraming bagay na mabuti sa pag-unlad ng kabuhayan at kalakalan, at katatagan ng kabuhayan at pinansyo ng kapwa bansa.
Salin: Liu Kai