|
||||||||
|
||
Natapos Enero 18, 2020, ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang dalaw-pang-estado sa Myanmar. Sa 2 araw na pagdalaw, lumahok si Xi sa 12 aktibidad, at lumagda sa 29 dokumentong pangkooperasyon sa iba't ibang larangan. Buong pagkakaisang sinang-ayunan ng Tsina at Myanmar na magkasamang itatatag ang komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan ng dalawang bansa. Hinggil dito, ipinalabas ang magkasanib na pahayag na nagsasabing nag-umpisa na ang bagong panahon ng pagkakaibigan at pagtutulungan ng Tsina at Myanmar.
Bilang mahalagang bunga ng pagdalaw na ito, binalik-tanaw ng naturang magkasanib na pahayag ang mga bunga ng pagdalaw ni Xi, at ginawa ang plano hinggil sa pag-unlad ng relasyon ng Tsina at Myanmar sa hinaharap.
Bukod dito, buong pagkakaisa ring sinang-ayunan ng Tsina at Myanmar na samantalahin ang pagkakataon ng ika-70 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng dalawang bansa, lalo pang palaganapin ang tradisyonal na pagkakaibigan ng Tsina at Myanmar, palalimin ang komprehensibong estratehikong partnership, at itatag ang komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan, para pasulungin ang pagpasok ng relasyon ng dalawang panig sa bagong dekada.
Dagdag pa ng pahayag, ang pagpapasulong ng pagtatatag ng Belt and Road Initiative (BRI) ay pokus ng aktuwal na kooperasyon ng Tsina at Myanmar. Patuloy na pinapalalim ng dalawang bansa ang kooperasyon sa iba't ibang larangan, pinapalakas ang pagpapalitang kultural at itinakda ang taong 2020 bilang "Taon ng Turismo at Kultura ng Tsina at Myanmar, " anang nasabing pahayag.
Sinang-ayunan ng dalawang bansa na patuloy na palalakasin ang koordinasyon sa loob ng mga framework ng multilateral na mekanismo na kinabibilangan ng United Nations (UN), China-ASEAN, at iba pa. Ipagpapatuloy rin ang mahigpit na pagkokoordinahan ng dalawang bansa sa mga temang pandaigdig na may kinalaman sa hamon sa mga umuunlad na bansa para mapangalagaan ang kapayapaan, katatagan at pag-unlad ng rehiyong ito at buong daigdig.
Ang Tsina at Myanmar ay mayroong malalim na pundasyon ng kooperasyon. Ang pagdalaw ni Pangulong Xi sa Myanmar ay bagong milestone sa kasaysayan ng relasyon ng dalawang bansa, na tiyak na magdudulot ng benepisyo para sa mga mamamayan ng dalawang bansa at magpapasulong ng kasaganaan at pag-unlad ng daigdig.
Salin:Sarah
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |