Mula ala-1 ng hapon, Pebrero 14, 2020, pabababain ng 50% ng Tsina ang taripa sa mga panindang aangkatin mula sa Amerika na nagkakahalaga ng 75 bilyong dolyares. Ang kapasiyahang ito ay ginawa kamakailan ng Customs Tariff Commission ng Konseho ng Estado ng Tsina.
Para sa mga panindang pinatawan ng 10% taripa mula noong Setyembre 1, 2019, pabababain ang taripa nito sa 5%; at para sa mga panindang pinatawan ng 5% taripa, pabababain ang taripa sa 2.5%.
Bukod sa nabanggit na mga hakbangin, patuloy na ipapatupad ang ibang hakbangin ng pagpapataw ng karagdagang taripa sa Amerika, ayon sa kaukulang alituntunin. Ipagpapatuloy rin ang gawain ng pag-aalis ng karagdagang taripa sa mga panindang Amerikano.
Umaasa ang panig Tsino na susundin ng kapuwa panig ang mga tadhana ng kasunduan, at masipag na ipapatupad ang mga kaukulang nilalaman ng kasunduan, para mapalakas ang kompiyansa sa pamilihan, mapaunlad ang bilateral na relasyong pangkabuhaya't pangkalakalan, at mapasulong ang paglago ng kabuhayang pandaigdig.
Salin: Vera