Sa news briefing ng mekanismo ng magkasamang pagpigil at pagkontrol sa epidemiya ng novel coronavirus pneumonia (NCP) ng Konseho ng Estado ng Tsina Martes ng umaga, Pebrero 11, 2020, ipinahayag ni Cong Liang, Pangkalahatang Kalihim ng Pambansang Komisyon sa Pag-unlad at Reporma ng Tsina, na dapat agarang panumbalikin ang takbo at produksyon sa mahahalagang larangang may kinalaman sa pambansang kabuhayan at pamumuhay ng mga mamamayan. Dapat napapanahong bumalik sa puwesto ang mga tauhan ng mahahalagang proyekto. Di-kailangang panumbalikin ng ibang bahay-kalakal na walang angkop na kondisyon ang produksyon. At para sa mga puwesto sa mga rehiyong grabeng naaapektuhan ng epidemiya at mga di-pangkagipitang puwesto, maaaring ipagpaliban ang pagpapanumbalik ng produksyon sa angkop na panahon.
Isinalaysay ni Cong na sa kasalukuyan, unti-unting napapanumbalik ang takbo at produksyon sa iba't ibang lalawigan, rehiyong awtonomo at munisipalidad liban sa Lalawigang Hubei. Lalong lalo na, magkakasunod na pinapanumbalik ng mga bahay-kalakal ang produksyon sa mga larangang gaya ng masusing materyal na medikal, enerhiya, pagkaing-butil, transportasyon, logistics, at iba pa.
Salin: Vera