Ipinahayag ngayong araw, Sabado, ika-15 ng Pebrero 2020, sa Wuhan, punong lunsod ng lalawigang Hubei, ni Wang Hesheng, Pangalawang Direktor ng National Health Commission ng Tsina, ang kasalukuyang panahon sa Hubei ay pinakamasusing yugto ng paglaban sa epidemiya ng novel coronavirus pneumonia (COVID-19). Dapat aniyang patuloy na bigyang-priyoridad ang pagbibigay-lunas sa mga may-sakit at pagkontrol sa pagkalat ng sakit, para manalo sa pakikibaka sa COVID-19 sa Wuhan at buong Hubei, na malubhang apektado ng epidemiya.
Ayon kay Wang, hanggang ngayong araw, mahigit 25.6 libong karagdagang tauhang medikal ang ipinadala sa Hubei, at 11 specialist at makeshift hospitals ang naitayo sa Wuhan. Ang mga hakbanging ito ay para tanggapin at bigyang-lunas sa ospital ang lahat ng mga may-sakit, saad niya.
Ayon naman sa National Health Commission, hanggang kahapon, tuluy-tuloy na bumaba nitong nakalipas na 10 araw, ang bilang ng mga bagong naitalang kumpirmadong kaso ng pagkahawa ng COVID-19 sa mga rehiyon ng mainland ng Tsina, liban sa Lalawigang Hubei.
Salin: Liu Kai