Kaugnay ng pinakahuling ulat ng International Atomic Energy Agency (IAEA) na nagsasabing may paglabag ang Iran sa Joint Comprehensive Plan of Action (JCPOA), ipinahayag kahapon, Miyerkules, ika-4 ng Marso 2020, sa Beijing, ni Tagapagsalita Zhao Lijian ng Ministring Panlabas ng Tsina, ang pag-asang makikipagkooperasyon ang Iran sa IAEA, para lutasin ang isyung nuklear nito.
Sinabi rin niyang, patuloy na makikipagkoordina ang Tsina sa mga may kinalamang panig, para pangalagaan ang JCPOA at pasulungin ang pulitikal at diplomatikong solusyon sa naturang isyung nuklear.
Dagdag ni Zhao, ang unilateral na pag-urong ng Amerika sa JCPOA at pagpataw ng labis na malaking presyur sa Iran ay ugat ng kasalukuyang krisis.
Dapat aniyang itakwil ng Amerika ang mga maling aksyon, at lumikha ng espasyo para sa diyalogo.
Salin: Liu Kai