|
||||||||
|
||
Sa kanyang inspeksyon ng mga gawain laban sa epidemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), na ginawa kahapon, Martes, ika-10 ng Marso 2020, sa Wuhan, punong lunsod ng lalawigang Hubei, ipinahayag ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina, na dapat patuloy na bigyang priyoridad ang pagpigil at pagkontrol sa epidemiya sa Wuhan at buong Hubei, para matamo ang tagumpay laban sa COVID-19.
Sa pananatili sa Wuhan, pumunta si Xi sa Huoshenshan Hospital, isa sa mga bagong naitayong specialist hospital para sa COVID-19, at sa isang purok-panirahan. Kinumusta niya ang mga may-sakit, tauhang medikal, community worker, lokal na mamamayan, pulis, tauhang militar, opisyal, at boluntaryo.
Hinahangaan ni Xi ang mga residente ng Wuhan sa pagbibigay ng napakalaking ambag para sa pagpigil at pagkontrol sa epidemiya, at pinasalamatan din niya ang lahat ng mga taong nangunguna sa paglaban sa sakit na ito.
Hiniling niyang, patuloy na palakasin ang pagbibigay-lunas sa mga may-sakit, para mabawasan ang pagkamatay. Dapat din aniyang igarantiya ang saligang pamumuhay ng mga residente sa Wuhan, na nasa ilalim ng self-quarantine.
Tinukoy din ni Xi, na nagdudulot ang kasalukuyang epidemiya ng pansamantalang kahirapan sa kabuhayan at lipunan ng buong Hubei. Pero aniya, hindi nagbabago ang pangmatagalang tunguhin ng mainam na pag-unlad sa lokalidad. Patuloy na palalakasin ng pamahalaang sentral ang pagsuporta sa Hubei, para mapanumbalik sa lalong madaling panahon ang normal na takbo ng kabuhayan at lipunan, dagdag niya.
Salin: Liu Kai
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |