Pinasalamatan kahapon, Biyernes, ika-13 ng Marso 2020, ni Ministrong Panlabas Luigi Di Maio ng Italya, ang Tsina sa pagpapadala ng grupo ng mga ekspertong medikal at pagkakaloob ng mga materyal na medikal, bilang tulong sa paglaban ng kanyang bansa sa epidemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Winika ito ni Di Maio sa preskon, pagkaraang makipagtagpo sa naturang mga ekspertong Tsino.
Sinabi rin niyang, malapit nang makamit ng Tsina ang tagumpay laban sa epidemiya ng COVID-19, at matatamo rin ng Italya ang tagumpay laban sa sakit na ito.
Ang naturang grupong itinalaga ng pamahalaang Tsino ay binubuo ng 9 na eksperto. May dalang 31 toneladang materyal na medikal, dumating sila ng Rome nitong Marso 12. Ito ang ika-3 grupong panaklolo laban sa COVID-19 na ipinadala ng Tsina sa ibang bansa, kasunod ng naunang dalawa para sa Iran at Iraq.
Salin: Liu Kai