Nagdaos ng video conference kahapon, Huwebes, ika-19 ng Marso 2020, ang Pambansang Komisyong Pangkalusugan ng Tsina, kasama ng mga opisyal ng pamahalaan at eksperto sa kalusugang pampubliko ng 18 bansang Europeo, na kinabibilangan ng Britanya, Pransya, Alemanya, Italya, Espanya, Switzerland, at iba pa. Layon nitong ibahagi ang mga karanasan ng Tsina sa paglaban sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Isinalaysay ng mga ekspertong Tsino ang ginagawa ng Tsina para sa pagpigil at pagkontrol sa epidemiya, at pagbibigay-lunas sa mga may-sakit. Sinagot din nila ang mahigit 80 tanong na iniharap ng mga opisyal at ekspertong Europeo.
Pinasalamatan ng panig Europeo ang panig Tsino sa pagkakaloob ng maraming propesyonal na impormasyon. Umaasa rin silang, patuloy na isasagawa, kasama ng Tsina, ang pandaigdig na kooperasyon para sa paglaban sa COVID-19.
Salin: Liu Kai