Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

[Op-Ed] Asal ng ilang politikong Amerikano, parang batang di-napagbigyan ang gusto

(GMT+08:00) 2020-04-23 15:08:03       CRI

Rhio Zablan

Ang asal ng ilan sa mga pulitikong Amerikano ay maihahalintulad sa isang batang hindi napagbigyan ang gusto kaya naman naglulupasay at nagngi-ngitngit sa galit.

Tulad ng isinulat ko sa naunang komentaryo kahapon, Abril 22, 2020, ginagamit ng ilang pulitikong Amerikano ang maruming pamumulitika, pagbabaling ng sisi sa iba, at pagpapalaganap ng diskriminasyong panlahi upang makakuha ng bentaheng pampulitika at maisulong ang kanilang pulitikal na karera.

Partikular na ginagamit laban sa Tsina ng mga pulitkong ito ang mga isyung produkto lamang ng kanilang mapaglarong imahenasyon.

Ipinipilit nilang nagmula di-umano ang novel corona virus sa laboratoryo sa Wuhan at dapat ay humingi ng kompensasyon ang mundo sa Tsina dahil sa pinsalang dulot ng virus.

Kung tatahak tayo sa ganitong linya ng pag-iisip, dapat magbayad ang Amerika dahil sa pinsalang idinulot ng 2009 H1N1 flu pandemic, na naging sanhi ng pagkamatay ng halos 200,000 katao: dapat magbayad ang Amerika dahil sa Acquired Immuno Deficiency Syndrome (AIDS); at dapat magbayad ang Amerika dahil sa subprime mortgage crisis na lumala at naging 2008 global financial crisis.

Pero, hindi nagbayad ang Amerika at hindi hiniling ng Tsina o anumang bansa na magbayad ang Amerika dahil sa mga ito.

Samantala, mariing ipinahayag ng World Health Organization (WHO) na lahat ng ebidensya ay nagsasabing nagmula sa mga hayop ang virus at hindi ito minanipula ng tao.

Malawakan namang pinulaan ng mga siyentistang Australyano, ang mga dispalinghadong pananalita ng ilang politikong Amerikano na nagmula di-umano ang virus sa isang laboratoryo sa Wuhan.

Ang SARS-Cov-2 o novel corona virus ay nabibilang sa pamilya ng mga virus na nagdudulot ng komong sipon, Severe Respiratory Acute Syndrome (SARS) at Middle East Respiratory Syndrome (MERS); at lahat ng ito ay zoonotic: ibig sabihin, nailipat mula sa mga hayop papunta sa mga tao.

Sinabi ni Professor Nigel McMillan ng Menzies Health Institute ng Griffith University sa estado ng Queensland, Australya, ipinakikita ng lahat ng ebidensya na nagmula sa mga hayop ang SARS-Cov-2 at hindi gawa ng tao.

Kaugnay nito, ayon kay Professor Edward Holmes, kilalang evolutionary virologist at miyembro ng Charles Perkins Centre and the Marie Bashir Institute for Infectious Diseases and Biosecurity sa University of Sydney, na "walang ebidensiyang nagpapakita, na ang SARSCoV-2 ay nagmula sa isang laboratoryo sa Wuhan."

Ayon aniya sa mga analisasyon, ang mga mutasyong makikita sa SARS-Cov-2 ay maliwanag na natural at hindi gawa ng tao.

Sinabi ni Associate Professor Hassan Vally, epidemiologist at senior lecturer sa kalusugang pampubliko sa La Trobe University, sa Melbourne, na kasabay ng kawalan ng ebidensya ng teorya ng ilang pulitikong Amerikano, hitik naman sa patunay, na ang novel coronavirus ay mula sa kalikasan.

Sa kabilang dako, sinabi ni Adriel Kasonta, foreign affairs analyst at dating chairman ng International Affairs Committee ng Bow Group, walang lohika ang paghingi ng kompensasyon dahil sa novel corona virus.

Samantala, noong Abril 21, 2020, nagsampa ng kasong sibil laban sa Tsina si Eric Schmitt, Attorney General ng estado ng Missouri.

Ang kasong isinampa niya ay para di-umano sa pinsalang idinulot ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19).

Aniya pa, nagsinungaling di-umano ang pamahalaang Tsino sa mundo tungkol sa tunay na panganib na dala ng COVID-19, pinatahimik ang mga whistleblower, itinago ang mga mask at personal protective equipment, at wala itong ginawa para pigilan ang paglaganap ng virus.

Bilang isang mamamahayag na nakatutok sa isyu ng COVID-19, personal kong masasabi na malaking kahibangan ang mga sinasabi ni Schmitt!

Pero, teka muna. Maaari bang sampahan ng kasong sibil ang isang soberanong bansa?

Ayon kay Tom Fowdy, political at international relations analyst mula sa Durham and Oxford Universities, ang kasong ito ay walang saysay, dahil hindi maaaring ihabla sa isang kasong sibil ang isang soberanong bansa.

Ayon kay Fowdy, kapuwa may politikal at legal na problema ang isinampang kaso ni Schmitt.

Una, ang internasyonal na batas ay hindi sibil na batas; ibig sabihin, ito ay idinisenyo para sa pamamahala ng relasyon sa pagitan ng mga bansa.

"It is legally unfeasible and impossible for a private legal system to operate on a global level where individual parties make claims against governments," saad ni Fowdy.

Ikalawa, nariyan ang doktrina ng "Sovereign Immunity," ibig sabihin, hindi maaaring ihabla sa isang kasong sibil at kriminal ang isang soberanong bansa sa mga hukuman ng Amerika.

Ang legal na konseptong ito, ani Fowdy ay naka-ugat sa Westphalian state system, at isang norma sa usapin ng "national sovereignty."

Ang kalayaan ng isang bansa ay hindi maaaring panghimasukan ng korte ng ibang bansa.

MALIWANAG PA SA SIKAT NG ARAW: HINDI MAAARING IHABLA ANG TSINA!

Kung ganoon, bakit ginagawa ito ng estado ng Missouri?

Sagot: maruming politika!

Karaniwan na sa ilang politikong Amerikano na ipakita sa publiko ang kanilang partikular na sentimiyento at retorika para magpalapad ng papel sa publiko kahit walang ginagawang aksyon.

Dagdag pa riyan, ang Missouri ay isa ring republikanong estado, kaya malaki ang posibilidad, na ang mga mamamayan ay maniwala sa mga retorika kaugnay ng COVID-19.

Ang gobernador ng estado na si Mike Parson ay nakatakda ring mangampanya para sa re-eleksyon sa darating na Nobyembre.

Kitang-kitang ginagawang sandata ng ilang politiko ng naturang estado laban sa Tsina ang pandemiya ng COVID-19.

Wala itong anumang maibibigay na resulta para sa mga mamamayang Ameikano, subalit, ito ay nagsisilbing oportunistikong paraan para sa ilang politikong Amerikano upang magpapogi at ikubli ang sariling pagka-inutil, habang ibinabaling ang sisi sa Tsina.

May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>