|
||||||||
|
||
Ang malubhang kalagayan ng epidemiya sa Amerika ay hindi lamang banta sa kaligtasan ng buhay at kalusugan ng mga mamamayan ng bansang ito, kundi nagpapahirap din sa pagpigil at pagkontrol ng buong daigdig sa pandemiya.
Kaugnay nito, sinabi minsan ni Richard Horton, Editor-in-Chief ng The Lancet, kilalang magasing medikal, na sinayang ng Amerika ang buong Pebrero at unang dako ng Marso, bago kumilos sa paglaban sa COVID-19. Lumikha aniya ang Amerika ng "human tragedy" kaugnay ng sakit na ito.
Malaki ang pagkakamali ng mga politikong Amerikano sa paghawak ng COVID-19 pandemic. Dapat sila umangkin ng responsibilidad dito.
Una, sa simula pa lamang, pinagwalang-bahala ng mga politikong Amerikano ang babalang inilabas ng Tsina at World Health Organization (WHO), at hindi nila isinagawa ang mga napapanahon at mabisang hakbangin bilang pagharap sa sakit.
Ikalawa, sa aspekto ng pandaigdig na kooperasyon sa paglaban sa COVID-19 pandemic, isinasagawa pa rin ng mga politikong Amerikano ang patakarang "America First." Habang lumalaki ang pangangailangan ng iba't ibang bansa sa mga kagamitang medikal, hindi lamang kinokontrol ng Amerika ang pagluluwas ng mga kagamitang medikal, kundi ninanakaw rin nila ang mga ito mula sa pandaigdig na pamilihan.
Ikatlo, para ibaling ang sisi, ipinatalastas ng Amerika ang pagsuspinde sa pagbibigay-pondo sa WHO. Ang desisyong ito ay maglilimita sa kakayahan ng WHO sa pagtulong sa mga umuunlad na bansa sa paglaban sa COVID-19, at sa bandang huli, magbabanta sa sistema ng kalusugang pampubliko ng buong mundo.
Kung may mga tao na dapat sisihin sa COVID-19 pandemic, ang mga ito ay ang iresponsableng politikong Amerikano. Sa harap ng pinakamatinding krisis sa mundo sapul noong World War II, tinalikuran nila ang pinakamalakas na sandata ng pagkakaisa at pagtutulungan, at pinili ang landas na nagresulta sa sarili nilang kapahamakan at kapahamakan ng buong daigdig. Ang kasaysayan ang siyang magiging huwes sa kanilang mga aksyon!
Salin: Liu Kai
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |