|
||||||||
|
||
Sa kanyang paglahok sa diskusyong idinaos kahapon, Linggo, ika-24 ng Mayo 2020, ng delegasyon ng lalawigang Hubei sa sesyon ng Pambansang Kongresong Bayan ng Tsina, iniharap ni Xi Jinping, Pangulong Tsino, ang pagpapalakas ng network ng pangangalaga sa kalusugang pampubliko.
Binigyang-diin niyang, para palakasin ang naturang network, dapat isaayos ang sistema ng pagpigil at pagkontrol sa mga sakit; palakasin ang kakayahan sa pagmomonitor, maagang pagbabala, at pangkagipitang pagtugon sa epidmiya; perpektuhin ang sistema ng paggamot sa mga pangunahing epidemiya; at pabutihin ang mga batas at regulasyon tungkol sa kalusugang pampubliko.
Nitong nakalipas na ilang buwan, dinulot ng COVID-19 pandemic ang napakagrabeng epekto sa lalawigang Hubei at punong lunsod nitong Wuhan.
Kaugnay nito, sinabi ni Xi, na malaking ambag at maraming sakripisyo ang ibinigay ng mga mamamayan ng lalawigang ito para sa paglaban sa COVID-19.
Ipinahayag niya ang taos-pusong pasasalamat sa kanila.
Binanggit ni Xi ang isang pasyente ng COVID-19 sa lalawigang ito, na mayroon ding malubhang sakit, at gumaling siya pagkaraan ng 47-araw na panggagamot.
Aniya, ipinakikita ng pangyayaring ito ang ideyang "mamamayan muna," at pagpapahalaga ng partido at pamahalaan ng Tsina sa buhay at kalusugan ng bawat tao.
Sinabi rin ni Xi, na pagkaraang inisyal na makontrol ang pagkalat ng COVID-19, kinakaharap ng Hubei ang mabigat na tungkulin ng pagpapanumbalik ng pag-unlad ng kabuhayan at lipunan.
Hiniling niya sa pamahalaang lokal, na buong husay na isagawa ang regular na pagpigil at pagkontrol sa epidemiya, pasulungin ang pagpapanumbalik ng produksyon at negosyo, at bigyang-garantiya ang pamumuhay ng mga mamamayan.
Ipinahayag din niya ang kompiyansa sa pagbangon ng lalawigan mula sa kahirapan.
Dagdag ni Xi, ang COVID-19 pandemic ay nagbigay ng pagsubok sa sistema at kakayahan sa pangangasiwa ng Tsina.
Dapat aniyang hanguin dito ang kapuwa karanasan at aral, para palakasin ang naturang sistema at kakayahan.
Salin: Liu Kai
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |