|
||||||||
|
||
Beijing – Ipinahayag kamakailan ni Jose Santiago Sta. Romana, Embahador ng Pilipinas sa Tsina, na hindi mapipigilan ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19) ang lalo pang pagbuti at pagtibay ng relasyong Pilipino-Sino.
Ang taong 2020 ay ang Ika-45 Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Relasyong Diplomatiko ng Pilipinas at Tsina, at hinggil dito, sinabi ng embahador Pilipino na umaasa siyang magpapatuloy ang mga nasimulang mga proyekto at lalo pang bubuti ang kooperasyon ng dalawang bansa.
Sa kanyang eksklusibong panayam sa Serbisyo Filipino-China Media Group (SF-CMG), sinabi niyang ang pagkakaibigan ng mga Pilipino at Tsino ay nagsimula, libong taon na ang nakaraan, sa panahon pa ng Dinastiyang Song (960–1279), at sa ngayon, ang relasyong ito ay naitaas na sa lebel ng "Relationship of Comprehensive Strategic Cooperation."
Matatandaang, sa opisyal na pagdalaw ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina noong November 20, 2018 sa Pilipinas, itinaas ang ugnayan ng dalawang bansa sa naturang lebel.
Ani Sta. Romana, mula nang maupo si Pangulong Duterte bilang pangulo ng Pilipinas, nakamit ng dalawang bansa ang malalaking kapaki-pakinabang na bunga, hindi lamang sa pagpapabalik ng bilateral na relasyon sa tamang landas, kundi sa pagpapataas din ng lebel ng naturang relasyon.
"Gusto pa nating pataasin [ang relasyon ng dalawang bansa] sa taong ito, sa susunod na taon, at sa mga susunod pang mga taon," saad ni Sta. Romana.
Pero, binigyang-diin ng embahador Pilipino, na ang susi sa lahat ng ito ay matatag na pundasyon, at para magkaroon ng matatag na pundasyon, kailangang pasulungin ang pagpapalitang tao-sa-tao.
"Kaya nga napakahalaga, na kasabay ng pag-ahon natin mula sa pandemiya ng COVID-19, kailangan ding muling itatag at panumbalikin ang mga bungang nakamtan natin," dagdag ni Sta. Romana.
May ilang binitiwang mungkahi ang embahador, at ang una ay ang pagpapanumbalik sa maunlad na pagpapalitang panturismo ng dalawang bansa.
"Ito ay napakahalaga sa pagpo-promote ng pagpapalitang tao-sa-tao," aniya.
Sinabi niyang sa pamamagitan ng turismo, mas makikita at maiintindihan ng mas maraming Tsino ang kagawian at kultura ng mga Pilipino, at ganoon din para sa mga Pilipinong nagtutungo sa Tsina.
Ikalawa aniya ay ang kooperasyon sa kalakalan at pamumuhunan (trade and investment), at imprastruktura.
Ang mga ito ay pansamantalang natigil dahil sa hindi-inaasahang pananalasa ng COVID-19 sa buong mundo, dagdag ng embahador.
Magkagayunman, tumaas pa rin aniya ang pagluluwas ng prutas ng Pilipinas sa Tsina.
"Ang mga saging [mula sa Pilipinas] ay makikita sa mga tindahan [sa Tsina], at sa kauna-unahang pagkakataon, ang Pilipinas ay nakapagluwas na rin ng mga abokado sa Tsina," pagmamalaki ni Sta. Romana.
Sinabi pa ng embahador na hindi lamang gustong panumbalikin ng Pilipinas ang pagluluwas ng mga prutas, kundi, nais pa nitong pag-ibayuhin at palakasin ang pagluluwas ng mas marami pang katulad na produkto sa Tsina.
Dagdag ni Sta. Romana, umaasa ang Pilipinas na muling ipagpapatuloy at lalo pang pag-iibayuhin ang kooperasyon kaugnay ng
mga proyektong pang-imprastruktura na pansamantalang natigil, na tulad ng Kaliwa Dam, proyekto ng daambakal at marami pang iba.
Ang ikatlong mungkahi ng embahador ay pagpapalakas ng pagpapalitan sa edukasyon.
Nais ni Sta. Romana, na makapag-aral sa Tsina ang mas maraming estudyante mula sa Pilipinas, dahil sa pamamagitan nito, mas darami ang mga Pilipinong magkakaroon ng aktuwal na pag-unawa sa Tsina.
"Kung titingnan mo ang karanasan ng Pilipinas sa ibang mga bansa, ito ang karaniwang paraan upang patatagin ang pundasyon ng pagkakaunawaan," saad pa niya.
Ito aniya ang ginawa ng Amerika at Hapon, kaya naman mas tanggap at mas nauunawaan ng maraming Pilipino ang mga kagawian ng nasabing dalawang bansa.
"Panahon na para gawin din ito ng Tsina," dagdag ni Sta. Romana.
Aniya pa, kasabay ng pag-aaral ng mas maraming Pilipino sa Tsina, nararapat ding mag-aral ang mas maraming Tsino sa Pilipinas, dahil ito ay isa sa mga pinakamabisang paraan upang patatagin ang pagkakaunawaan ng mga mamamayan ng dalawang bansa.
Reporter: Rhio at Lito
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |