Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Karera ng Bangkang Dragon, popular na laro sa Pilipinas at Tsina

(GMT+08:00) 2020-06-25 16:25:48       CRI

 

Rhio Zablan

Ang Karera ng Bangkang Dragon ay isang integral na bahagi ng Pestibal ng Bangkang Dragon o Duan Wu Jie ng Tsina.

Ito ay ipinagdiriwang ngayong araw, Hunyo 25.

Tunghayan natin ang pagkakapareho at pagkakaiba ng larong ito sa Pilipinas at Tsina, at kung paano ito nagsimula sa Tsina mahigit 2,000 taon na ang nakakaraan.

Ang Karera ng Bangkang Dragon o Dragon Boat Racing ay isa ngayon sa mga pinakapopular na uri ng larong pantubig o water sport sa Pilipinas at Tsina.

Taun-taon, ino-organisa at ginaganap sa ibat-ibang lugar sa Pilipinas, tulad sa Manila Bay, Cebu, Bohol, Boracay, at iba pa ang mga karera.

Nagsimulang mahilig ang mga Pilipino sa larong ito noong dekada 80 sa pamamagitan ng Manila Boat Club (MBC).

At magmula noon, nagtuluy-tuloy na ang pag-angat ng larong ito bilang isa sa mga pinakapopular sa bansa.

Alam ba ninyo na ang Pilipinas ay may malakas na koponan sa propesyunal na Karera ng Bangkang Dragon?

Ang Pilipinas ang naging kampeon sa 2019 Beijing International Dragon Boat Invitational Tournament, na ginanap kasabay ng Pestibal ng Bangkang Dragon o Duan Wu Jie sa Tsina.

Ang 2019 Beijing International Dragon Boat Invitational Tournament

Ayon sa Philippine Canoe Kayak Dragon Boat Federation, nasungkit ng koponan ng Pilipinas ang medalyang ginto sa 500 Meters Open Category at 250 Meters Competition, noong Hunyo 7, 2019 sa Beijing.

Bago dito, nakuha rin ng koponan ng Philippine Canoe Kayak Dragon Boat Federation sa DBS Marina Regatta 2019 ang kampeonato sa mga kategoryang "Premier Mixed at Premier Women," noong Hunyo 3, 2019 sa Singapore.

Bukod pa riyan, nasungkit din ng koponang All-Women ng Pilipinas ang 1st Runner Up sa kategoryang Premier Open laban sa mga All-Male na koponan.

Kahit isa pa ring bagong laro sa Pilipinas, ang mga nakamtang parangal ng bansa sa Karera ng Bangkang Dragon ay tunay na maaaring ipagmalaki saan mang dako ng mundo.

Samantala, sa Tsina, ang Karera ng Bangkang Dragon ay may mas mahabang kasaysayan, at may isang napaka-interesanteng kuwentong bayan hinggil dito.

Tinatawag ding Pestibal ng Bangkang Dragon o Duan Wu Jie, ito ay isang tradisyong lumitaw upang gunitain ang pagmamahal sa bayan ng isang makata na nagngangalang Qu Yuan.

Si Qu Yuan ay isang opisyal ng kaharian ng Chu, sa Panahon ng Nagdidigmaang Estado o Warring States Period (475BC–221BC) sa Tsina.

Ang role ni Qu Yuan sa isang musikal na Tsino

Ang Panahon ng Nagdidigmaang Estado ay ang panahon bago lupigin at unipikahin ni Ying Zheng o mas kilala sa tawag na Qin Shi Huang [Unang Emperador ng Dinastiyang Qin] ang lahat ng mga kaharian ng sinaunang Tsina at itatag ang isang unipikadong imperyo o bansa sa ilalim ng Dinastiyang Qin (221BC-207BC).

Samantala, ang kaharian ng Chu ay isa sa mga pinakamalakas na kandidato noong panahong iyon para sa pagkakamit ng kapangyarihan at pag-unipika ng buong Tsina.

Bilang opisyal ng korte ng Chu, iniharap ni Qu Yuan ang mga panukala para mas makinabang ang kaharian at mga mamamayan nito.

Ngunit ang mga ideyang iniharap niya ay kontra sa personal na interes ng mga maharlika at iba pang mataas na opisyal ng kaharian ng Chu.

Bilang resulta, ipinatapon siya sa hangganan ng kaharian.

Di-naglaon, sumalakay ang mga puwersa ni Qin Shi Huang at naganap ang madugong digmaan, na nagresulta sa pagkatalo ng Chu.

Sa araw ng okupasyon ng kabisera ng Chu, dahil sa matinding pighati, tumalon at nagpakalunod si Qu Yuan sa isang ilog.

Nang malaman ito ng mga mamamayan, daglian silang gumawa ng paraan upang sagipin si Qu Yuan.

Sa tunog ng tambol, maraming bangka ang lumunsad sa ilog upang iligtas ang makatang opisyal, pero hindi sila nagtagumpay, at tuluyang namatay si Qu Yuan.

Pero, upang hindi mapinsala ng mga isda at hipon ang kanyang bangkay, naghulog ng mga hugis piramideng suman o Zong Zi ang tawag sa wikang Tsino, sa ilog ang mga tao.

Ang Zong Zi ng Tsina

Di-nagtagal, bilang pag-alaala sa patriotismo ni Qu Yuan, taun-taong nagsasagwan ang mga tao sa ilog habang hinahataw ang mga tambol, kasabay ng paghuhulog at pagkain ng Zong Zi tuwing ikalimang araw ng ikalimang buwan ng Lunar na Kalendaryong Tsino.

Ang araw na ito ay nakilala sa Tsina bilang Pestibal ng Bangkang Dragon o Duan Wu Jie.

Isang sinaunang kagawian tuwing Duan Wu Jie ay pagsasabit ng dahon ng Calamus at Wormwood.

Ang dahon ng Calamus at Wormwood

Sa ilang lugar, ang mga tao ay umiinom ng alak na realgar, at ang mga bata ay sinusuotan ng mga paketeng may insenso.

Ang mga mga paketeng may insenso

Nagsasama-sama rin ang pamilya sa Duanwu Jie.

Sa larangan naman ng propesyunal na kompetisyon, napakarami ring napanalunang medalya ng Tsina sa Karera ng Bangkang Dragon, tulad ng 4 na ginto at 1 pilak sa International Dragon Boat Federation (IDBF) World Cup sa Chongqing noong Oktubre 2018.

Sa parehong taon, 2018 Jakarta Asian Games, nakuha rin ng Tsina ang 2 sa 5 ginto ng kompetisyon sa kategoryang Men's at Women's 200 Meters.

Ayon kay Michael Thomas, Pangulo ng IDBF, ang Tsina ang siya pa ring koponang kailangang pagpursigehang higitan ng maraming koponan mula sa ibat-ibang sulok ng daigdig.

/end//

May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>