Sa panayam kamakailan sa China Global Television Network (CGTN), kapwa ipinahayag ng dalawang opisyal ng pamahalaan ng Espesyal na Rehiyong Administratibo ng Hong Kong (HKSAR) na sina Patrick Nip, Secretary for Civil Service; at Erick Tsang, Secretary for Constitutional and Mainland Affairs, ang pagsuporta sa lehislasyon tungkol sa pambansang seguridad sa Hong Kong.
Sinabi ni Nip, na ang pagkakaroon ng lehislasyon ay pagpapanumbalik sa prinsipyo ng pamamahala alinsunod sa batas, na nasira nang maganap ang karahasan nitong nakalipas na isang taon sa Hong Kong, at ito rin ay garantiya sa pangmatagalang kasaganaan at katatagan ng lugar na ito. Mahalaga aniya ito para sa pagpapatupad ng "Isang Bansa Dalawang Sistema."
Sinabi naman ni Tsang, na ang lehislasyon ay nakatuon sa mga tauhang nagtatangkang maghasik ng kaguluhan sa Hong Kong at paghiwalayin ang bansa -- mga aksyong maituturing na pinakamalaking banta sa pambansang seguridad ng Tsina. Ang lehislasyon ay makakabuti sa katatagan ng lipunan ng Hong Kong, at kaligayahan ng pamumuhay ng mga residente dito, dagdag niya.
Salin: Liu Kai