|
||||||||
|
||
Rhio Zablan
Beijing, Miyerkules, Hulyo 1, 2020 – Sa pamamagitan ng nagkakaisang boto, niratipikahan, Martes, Hunyo 30, 2020 ng National People's Congress (NPC), pinakamataas na lehislatura ng Tsina ang National Security Law ng Hong Kong Special Administrative Region (HKSAR) – isang hakbang na nagpapakita ng di-matitinag na determinasyon ng sentral na pamahalaan ng Tsina at mga mamamayang Tsino sa paglaban sa mga puwersang nais maghasik ng sesesyon, subersyon, at nakikipagtulungan sa mga dayuhan upang sirain ang pambansang katiwasayan.
Ang nasabing desisyon ay ginawa sa bisperas ng Ika-23 anibersaryo ng pagbalik ng Hong Kong sa Inang Bayan.
Ang National Security Law ng Hong Kong ay nakatuon sa pagpapabuti ng sistemang pambatas at mekanismo ng pagpapatupad ng batas sa HKSAR, habang pinapanatili ang mataas na lebel ng awtonomiya sa ilalim ng prinsipyong "One Country, Two Systems."
Sinabi ni Li Zhanshu, Tagapangulo ng NPC Standing Committee, na ang naturang batas ay isang malaking hakbang tungo sa pagpapabuti ng prinsipyong "One Country, Two Systems," at matibay na pundasyon sa paggarantiya sa istabilidad at pangmatagalang kasaganaan ng Hong Kong.
Bunsod ng isang dating fugitive bill, nagsimula, Hunyo 2019 ang mga protesta at iba pang radikal na demonstrasyong nagresulta sa mga malawakang kaguluhan sa ibat-ibang bahagi ng Hong Kong.
Dahil dito, maraming buhay ang nawala, maraming ari-arian ang nawasak, at bumagsak ang Gross Domestic Product (GDP) ng Hong Kong sa 1.2% - pinakamababa simula nang bumalik ito sa Inang Bayan noong 1997.
Samantala, ilang oras makaraang ratipikahan ng NPC ang National Security Law, sinabi ni Carrie Lam, Punong Ehekutibo ng Hong Kong, "Dahil sa patuloy na pagtaas ng mga panganib sa pambansang katiwasayan na kinakaharap ng HKSAR, ang pagratipika sa National Security Law, sa lebel ng bansa ay pangkagipitan at kinakailangan upang pasakan ang mga butas pambatas na may-kaugnayan sa pambansang seguridad sa Hong Kong."
"Matapos ma-implementa ang National Security Law, kampante akong mawawala ang mga kaguluhang bumabagabag sa mga mamamayan ng Hong Kong sa loob ng halos isang taon, muling magsisimula pagsulong ng ekonomiya at muling mapapabuti ang pamumuhay ng mga mamamayan," ani Lam.
National Security Law ng Hong Kong, ano ba ito?
Ang National Security Law ng Hong Kong ay may 66 na artikulo na napapaloob sa 6 na kabanata.
Dito nakasaad ang mga tungkulin at responsibilidad ng HKSAR at iba pang mga may-kinalamang ahensiya ng pamahalaang Tsino sa pagsusulong ng pambansang katiwasayan.
Nakalagay rin dito ang mahahalagang prinsipyo sa panuntunang pambatas na kailangang sundin ng HKSAR upang maisiguro ang katiwasayang pambansa at maisulong ang karapatang pantao.
Ayon pa rito, itatayo ang komite sa pambansang seguridad sa lugar ng Asian financial hub, at ang opisyal na panglan nito ay i-a-anunsiyo sa malapit na hinaharap.
Ang nasabing komite ay pangunguluhan ng punong ehekutibo ng HKSAR, samantalang ang mga kagawad nito ay kabibilangan ng mga miyembro ng gabinete ng Hong Kong na tulad ng punong kalihim sa administrasyon, pinansiyal na kalihim, kalihim ng katarungan, kalihim ng seguridad at komisyoner ng kapulisan.
Ang mga manunungkulang opisyal sa komiteng ito ay magiging responsable sa pag-analisa at pagdetermina sa situwasyon ng pambansang seguridad ng rehiyon.
Dagdag pa riyan, sila rin ang magsusulong sa pagtatatag ng mga may-kinalamang sistemang pambatas at iba pang mekanismong makakatulong sa usaping ito.
National Security Law ng Hong Kong: batas mula sa ideya ng mga mamamayan, batas para sa ikabubuti ng mga mamamayan
Base sa opisyal na tala, upang lalong mapabuti ang nilalaman ng National Security Law ng Hong Kong, 130 mungkahi mula sa mga mamamayan ng Hong Kong ang kinolekta ng sentral na pamahalaang Tsino.
Bukod dito, masinsinan ding pinag-aralan ang mga pagkakaiba sa sistemang pambatas ng Chinese mainland at Hong Kong, at ang mga ito ay isina-alang-alang sa buong proseso ng lehislasyon.
Ipinagdiinan ni Song Zhe, Deputy Director ng Hong Kong and Macao Affairs Office ng State Council, na hindi maaapektuhan ng bagong batas ang mga lehitimong karapatan at kalayaan ng mga taga-Hong Kong, at hindi rin maaapektuhan ang mga lehitimong interes ng mga dayuhang mamumuhunan.
Aniya, ang batas ay nakatuon lamang sa maliit na bilang ng mga taong sangkot sa mga krimen at mga aktibidad na nagsasapanganib sa pambansang seguridad.
Ang National Security Law ng Hong Kong ay magsisimulang maging epektibo sa sandaling maisapubliko ito sa Hong Kong Gazette, at ang prosesong ito ay isasagawa sa lalong madaling panahon.
Source:
https://news.cgtn.com/news/2020-06-30/China-s-top-legislature-passes-draft-law-on-national-security-in-HKSAR-RKc9clr7ZC/index.html
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |