|
||||||||
|
||
Pilipinas, priyoridad sa bakuna ng Tsina: instrumento sa kalusugan ng sangkatauhan
Sa kanyang roundtable interview kamakailan sa Manila Times, sinabi ni Huang Xilian, Embahador ng Tsina sa Pilipinas, na magmula nang pumutok ang pandemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19), aktibong nagpupunyagi ang Tsina upang makapagdebelop ng bakuna.
Sinabi ni Huang, na base sa tala ng World Health Organization (WHO), 160 kandidatong bakuna ang idinedebelop ngayon laban sa COVID-19 - 21 sa mga ito ay pumasok na sa [human] clinical trial, at 7 rito ay mula sa Tsina.
Dagdag niya, kamakailan lamang ay sinimulan na ng dalawang kompanyang Tsino, na China National Biotech Group Co. Ltd. (CNBG) at Sinovac Biotech Ltd., ang kanilang phase 3 human clinical trial para sa kani-kanilang potensyal na bakuna.
Ang inactivated vaccine ng CNBG na kasalukuyan aniyang sinusubok sa United Arab Emirates (UAE) ay ang kauna-unahang bakunang nakarating sa huling estado ng malawakang pagsubok sa tao.
Samantala, ang kandidatong bakuna naman ng Sinovac Biotech Ltd. ay sinusubok sa Brazil, dagdag ni Huang.
Kaugnay nito, nagbalitaktakan sa telepono, Hunyo 13, 2020 sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Rodrigo.
Sa nasabing pag-uusap, siniguro ni Pangulong Xi kay Pangulong Duterte, na priyoridad ang Pilipinas sa sandaling maisapinal ng Tsina ang bakuna, at ito ay magiging instrumentong magpapabuti sa kalusugan ng sangkatauhan.
"Natutuwa akong makita na inaprubahan ng pamahalaang Pilipino ang pagsasagawa sa Pilipinas ng mga clinical trial ng ilang kandidatong bakuna ng Tsina. Umaasa akong mapapalakas pa ng dalawang panig ang mga may-kinalamang kooperasyon upang maagang mabenepisyuhan ng bakuna ang mga Pilipino," masayang saad ng embahador Tsino.
Maaalalang isang grupo ng mga ekspertong medikal ang ipinadala ng Tsina sa Pilipinas upang tumulong sa paglaban ng bansa sa COVID-19.
Kasabay nito, nag-donate rin ng tatlong batch ng medical supplies ang pamahalaang Tsino sa Pilipinas, na kinabibilangan ng 250 libong test kit, 130 ventilator, 1.87 milyong surgical mask at Personal Protective Equipment (PPEs).
Samantala, aktibo naman ang mga lokal na pamahalaan, kompanya at non-givernment organizations (NGOs) ng Tsina sa pagdonate ng mga medical supplies sa kanilang mga counterpart at mga ospital sa Pilipinas.
Kamakailan, muling ibinigay ng pamahalaang Tsino ang mahigit 3 milyong kilo ng bigas sa Pilipinas na pinakinabangan ng mahigit 500 libong pamilya.
Maliban diyan, tumulong din ang Tsina sa pagbili ng napakaraming anti-epidemic na suplay at gamot, at inenkorahe ang pagtatayo ng molekyular na laboratoryong Huoyan (Naglalagablab na Mata) gamit ang mga testing equipment at reagent.
Pag-usbong ng bilateral na kooperasyong pangkabuhaya't pangkalakalan sa gitna ng pandemiya
Sinabi ni Huang, sa kabila ng pandemiya, umabot sa 19.37 bilyong dolyares ang bilateral na kalakalan ng Tsina at Pilipinas noong unang limang buwan ng taong ito.
Dahil diyan, ang Tsina aniya ay nananatiling pinakamalaking trading partner ng Pilipinas.
Kasabay nito, ang investment aniya ng Tsina sa Pilipinas ay nagkakahalaga ng18.25 milyong dolyares, at ito ay tumaas ng 82.5% kumpara noong nakaraang taon.
"Upang manatili ang momentum ng trade at investment, kasalukuyan naming pinag-uusapan ang pagtatatag ng "fast track" [na mekanismo] para sa daloy ng mga tao, at isang "green corridor" para sa daloy naman ng mga paninda," ani Huang.
Ito ay upang makagawa ng mas mainam na kapaligiran, mapataas ang kompiyansa, at mapalakas ang muling pagbangon ng trade at investment, dagdag ng embahador.
Sinabi rin niyang patuloy na inuugnay ng Tsina at Pilipinas ang Belt and Road Initiative (BRI) at "Build, Build, Build," at napanumbalik na ang lahat ng mga may kinalamang nakakontratang proyektong pangkooperasyon.
Aniya pa, ang government-to-government (G-to-G) na proyektong tulad ng 2 tulay na magdurugtong sa pampang ng Ilog Pasig at Chico River Pump Irrigation Project ay matatag na sumusulong.
Sa katulad na paraan, ang Philippine-Sino Center for Agricultural Technology -Technical Cooperation Phase 3 ay bumalik na rin aniya sa konstruksyon at ito ay nasa 90% kapasidad na.
Sinabi ni Huang na ayon sa pinakabagong World Economic Outlook ng International Monetary Fund (IMF), liliit ng 4.9% ang ekonomiyang pandaigdig sa 2020.
Bukod dito, lumiit din ng 3.5% ang pandaigdigang kalakalan noong unang kuwarter ng taong ito.
Samantala, kasabay ng walang-patid na pakikibaka ng Tsina sa virus, sinabi ni Huang na nagsisimula nang makita ang muling paglakas ng ekonomiya ng bansa dahil sa balanseng hakbang ng pagkontrol sa virus at maingat na pagpapanumbalik ng mga aktibidad pang-ekonomiya.
Muli aniyang naisaoperasyon ang mga pagawaan ng bansa noong Mayo, at dahil dito, tumaas ng 4.4% ang value-added industrial output kumpara sa nakaraang taon; nakontrol ang pagbaba ng fixed asset investment at retail sales sa nakaraang 5 buwan; at lumakas ang pagluluwas noong Abril-Mayo.
Dagdag ni Huang, inaasahang magrerekober ang output ng produksyon ng Tsina sa nalalabing bahagi ng 2020, at ito ang magsisilbing pinakamalaking lakas-panulak sa muling pagyabong ng pandaigdigang Gross Domestic Product (GDP).
Sa panahon ng "new normal," patuloy na palalakasin ng Tsina ang kooperasyon sa Pilipinas at ibang mga bansa, sa larangan ng 5G, big data, artificial intelligence, cloud computing at isusulong ang pagtatayo ng Digital Silk Road at Green Silk Road upang mapalakas ang sustenbaleng pag-unlad at matamasa ng lahat ang mataas na kalidad na pag-unlad.
Obdiyektibo at balanseng pagbabalita, tungo sa pagpapabuti ng relasyong Sino-Pilipino
Sinabi ni Huang, bilang embahador ng Tsina sa Pilipinas, priyoridad niyang pabutihin ang kooperasyon ng dalawang bansa upang makapaghatid ng benepisyo sa mga mamamayang Tsino at Pilipino.
Aniya, para sa Tsina at Pilipinas, ang pangkalahatang konsenso ay pagsusulong ng matatag na progreso.
"Tayo ay nagtatayo ng praktikal at inklusibong relasyon," dagdag pa niya.
Bukod dito, nakikita na ani Huang ang ilang bunga sa larangan ng pagpapalitang tao sa tao nitong mga nakaraang taon, at kabilang ito sa pinakamatingkad na bahagi ng relasyong Sino-Pilipino.
Dagdag niya, ang mabuting relasyon ng dalawang bansa ay naka-depende sa mahigpit at aktuwal na pagpapalitan ng mga mamamayan at malalim na pagkaunawa sa isat-isa.
Pero, sa kasamaang-palad, hindi aniya masyadong naririnig ang tinig ng Tsina sa Pilipinas, at hindi rin naipapakita ng mga kanluraning media sa tamang konteksto ang imahe ng Tsina at imahe ng tunay na relasyong Sino-Pilipino.
Kaya naman, lumilitaw anang embahador ang hindi tamang pag-unawa tungkol sa Tsina at relasyon ng dalawang bansa.
Dapat aniyang palakasin pa ng dalawang bansa ang pagtutulungan upang maisulong ang mas mainam at malalim na pag-uunawaan at pagkakaibigan.
Umaasa si Huang, na bubuksan ng mga media ang obdiyektibo at balanseng bintanang maglalarawan sa tunay na imahe ng Tsina upang maunawaan ng mga Pilipino kung ano ang tunay na kulay ng bansa.
Ito ay magpapalakas ng pagtitiwalaan sa pagitan ng dalawang bansa, at magre-resulta sa pag-unlad at pagtatamasa ng mas maraming benepisyo ng mga mamamayang Tsino at Pilipino, diin ni Huang.
Ulat: Rhio Zablan
Source:
https://www.manilatimes.net/2020/07/19/news/national/chinese-ambassador-huang-xilian-an-exclusive-manila-times-interview-3/743296/?fbclid=IwAR2bfURzoSJlpPEY9wyixGVtWskz2T8iwH6MwL1-_zMnNUb5rdJmmWXPVbI&from=singlemessage&isappinstalled=0
https://www.globaltimes.cn/content/1195126.shtml?fbclid=IwAR2E-cOsL_C7vD1gu91OYmS6xZtnTYe29rBOaxKWh8nUWIXrA2IieJO5He4#.XxZVKhlZlik.facebook /end//© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |