|
||||||||
|
||
Ipinahayag kahapon, Martes, ika-21 ng Hulyo 2020, sa Beijing, ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina, na dapat buong sikap na palakasin ang sigla ng pamilihan, para pagtagumpayan ang epekto sa kabuhayan ng Tsina at daigdig na dulot ng pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Winika ito ni Xi sa isang symposium na nilahukan ng mga opisyal na Tsino at mga mangangalakal mula sa mga kompanyang ari ng estado, pribadong kompanya, kompanyang pinatatakbo ng puhunang dayuhan sa Tsina, at self-employed business.
Sinabi ni Xi, na sa harap ng epekto ng COVID-19 pandemiya, ang pagbangon ng kabuhayang Tsino ay mas mainam kaysa inaasahan. Ipinatupad din aniya ng sentral at mga lokal na pamahalaan ang mga hakbangin bilang pagsuporta at pagtulong sa iba't ibang uri ng negosyo.
Binigyang-diin ni Xi, na patuloy na lilikha ang Tsina ng kapaligirang pangnegosyo batay sa mga tuntunin ng daigdig at pamilihan. Hinihimok niya ang mga mangangalakal na magsagawa ng pangmatagalang negosyo sa Tsina.
Dagdag ni Xi, ang globalisasyong pangkabuhayan ay nananatiling tunguhing pangkasaysayan, at dapat igiit ang win-win cooperation. Sinabi niyang patuloy na palalalimin ng Tsina ang reporma at pagbubukas sa labas, palalakasin ang kooperasyon sa siyensiya at teknolohiya, itataguyod ang bukas na kabuhayang pandaigdig, at pasusulungin ang pagtatatag ng komunidad ng pinagbabahaginang kinabukasan ng sangkatauhan.
Salin: Liu Kai
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |