|
||||||||
|
||
Naganap kahapon, Martes, ika-4 ng Agosto 2020, sa Beirut, kabisera ng Lebanon, ang isang napakalaking pagsabog, na ikinamatay ng di-kukulangin sa 100 katao, at ikinasugat ng halos 4,000 iba pa.
Ayon sa ulat, ang pagsabog ay naganap bandang alas-6:10 kahapon ng gabi, local time, sa Port of Beirut. Niyanig ang mga gusali sa buong lunsod, at nagdulot ng malaking bilang ng kasuwalti at malaking kapinsalaan. Inaasahang tataas pa ang bilang ng mga nabiktima.
Ini-iimbestigahan pa rin ang sanhi ng pagsabog. Pero, ayon kay Hassan Diab, Punong Ministro ng Lebanon, ang pagsabog ay dulot ng 2,700 toneladang ammonium nitrate, na nakaiimbak sa isang bodega sa loob ng anim na taon.
Sinabi naman ni Pangulong Michel Aoun ng Lebanon, na hindi katanggap-tanggap ang di-maayos na paraan ng pagtatago ng naturang kemikal. Samantala, ipinatalastas niya ang tatlong araw ng pagdadalamhati, at dalawang linggong state of emergency sa Beirut.
Ayon naman sa Kagawaran ng Ugnayang Panlabas ng Pilipinas (DFA), 2 Pilipino ang nasawi, at 8 iba pa ang nasugatan sa naturang pagsabog.
Sa kasalukuyan, nakikipag-ugnayan ang Embahada ng Pilipinas sa Beirut sa Filipino community sa Lebanon, para malaman ang kanilang kalagayan, at magkakaloob ng tulong sa mga apektadong kababayan.
Nasa Lebanon ang mga 33,000 Pilipino, at 75% sa kanila ay nakatira sa greater Beirut area, ayon pa rin sa DFA.
Salin: Liu Kai
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |