|
||||||||
|
||
Isang mailap na giant panda ang namataan kamakailan ng isang park ranger sa Wanglang Nature Reserve sa Pingwu county, lunsod Mianyang, lalawigang Sichuan, dakong timog-kanluran ng Tsina.
Posibleng lalaki ang nasabing giant panda, may bigat na 100 kilogramo at may halatadong sagittal crest.
Sa kuhang video ng park ranger, makikita ang giant panda na marahang lumalakad, mga 30 metro ang layo mula sa pamatrolyang sasakyan, bago tumawid ng ilog at naglaho sa kagubatan.
Itinayo noong 1965, ang Wanglang Nature Reserve, na matatagpuan malapit sa kilalang Huanglong Valley at Jiuzhaigou Valley Scenic Spot ay isa sa apat na pinakamatanda sa buong Tsina at nakapokus sa pangangalaga sa mga nanganganib na uri ng hayop, tulad ng giant panda at kanilang natural na kapaligiran.
Sa isa pang may-kaugnayang pangyayari, hindi lang isa, kundi dalawang mailap na giant panda ang "nakuhanan" ng litrato ng infrared camera sa Tudiling Giant Panda Corridor sa lalawigang Sichuan ng Tsina.
Kuha noong Agosto 6 at 8, 2020, ito ang kauna-unahang pagkakataong nakuhanan ng larawan ang mga mailap na giant panda sa naturang ecological corridor sapul nang itatag ito noong 2002.
Ayon sa mga eksperto, malusog ang dalawang mailap na giant panda.
Bukod dito, nakuhanan din ng larawan ang mahigit sampung iba pang uri ng hayop na kinabibilangan ng black bear, lepopard cat, golden pheasant, sand badger at iba pa, na lubos na nagpapakita ng biodibersidad sa Tudiling Giant Panda Corridor.
Bilang katutubong uri ng hayop sa Tsina, wala pa sa 2,000 ang bilang ng maiilap na giant panda at karamihan sa mga ito ay matatagpuan sa mga kagubatan ng lalawigang Sichuan at Shaanxi.
Kaugnay naman ng usapin ng pangangalaga sa maiilap na hayop at kanilang natural na kapaligiran, dininig kamakailan sa Ika-21 Sesyon ng Standing Committee ng Ika-13 Pambansang Kongresong Bayan ng Tsina (NPC), pinakamataas na lehislatura ng bansa ang ulat hinggil sa implementasyon ng desisyon sa tuluyang pagbabawal sa ilegal na pagkalakal at pagkain ng maiilap na hayop, at pagpapatupad ng Wildlife Protection Law.
Dagdag diyan, ipinanukala ng nasabing ulat ang lalo pang pagpapabuti ng mga batas na may kaugnayan sa pangangalaga sa maiilap na hayop.
Samantala, sa pandaidigang entablado, dahil sa pananalasa ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19), ipinagpaliban sa Mayo 17 hanggang 30, 2021 ang mga pulong ng Convention on Biological Diversity (CBD) na kinabibilangan ng 15th Meeting of the Conference of the Parties to the CBD (CBD COP 15), 10th Meeting of the Parties to the Cartagena Protocol on Biosafety (Cartagena Protocol COP/MOP 10), at 4th Meeting of the Parties to the Nagoya Protocol on Access and Benefit-sharing (Nagoya Protocol COP/MOP 4).
Ang mga ito ay gaganapin sa Kunming, punong lunsod ng lalawigang Yunnan, sa dakong timog-kanluran ng Tsina.
Inaasahang susuriin sa pulong ng CBD COP 15 ang mga natamong bunga ng Strategic Plan for Biodiversity 2011-2020, ilalabas ang pinal na desisyon sa post-2020 global biodiversity framework, at iba pang desisyong may kaugnayan sa mga usaping gaya ng capacity building at resource mobilization.
Bilang bahagi ng proseso sa pagdedebelop ng post-2020 framework, ang mga negosasyon ay idaraos ayon sa konteksto ng open-ended intersessional Working Group, na magkasamang pangunguluhan nina Francis Ogwal ng Uganda at Basile van Havre ng Canada.
Ang CBD ay isang internasyonal na instrumentong pambatas para sa konserbasyon at pangangalaga ng biodibersidad, sustenableng paggamit ng mga bahagi ng [biodibersidad], at makatarungan at pantay na pagbabahagi ng mga benepisyong nagmumula sa paggamit ng mga genetic resources. Kabilang sa tatlong lebel ng biodiversity ang ecosystems, species at genetic resources.
Sources:
http://m.news.cctv.com/2020/08/10/ARTIj6yBHAWOCrFQRcuKKS0q200810.shtml
http://www.xinhuanet.com/english/2020-08/02/c_139259391.htm
https://news.cgtn.com/news/2020-08-03/Wild-giant-panda-spotted-in-southwest-China-nature-reserve-SEcMuiFaEg/index.html http://sdg.iisd.org/events/2020-un-biodiversity-conference/ http://www.xinhuanet.com/english/2020-08/10/c_139280065.htm http://www.gov.cn/xinwen/2020-08/10/content_5533752.htm https://www.un.org/en/observances/biological-diversity-day/conventionUlat: Rhio Zablan/Sarah
/wakas//
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |