Sinabi kahapon, Martes, ika-25 ng Agosto 2020, ni Tagapagsalita Zhao Lijian ng Ministring Panlabas ng Tsina, na sa ilalim ng Debt Service Suspension Initiative (DSSI) ng G20, iniharap na ng mahigit 20 bansa sa Tsina ang kahilingan ng pagpapaliban ng pagbabayad ng utang.
Dagdag ni Zhao, hanggang noong katapusan ng nagdaang Hulyo, nagkasundo tungkol sa planong ito ang Tsina at mahigit 10 sa naturang mga bansa, at maayos din ang pagsasanggunian ng Tsina at mga nalalabing bansa.
Ipinahayag din ni Zhao, na pinahahalagahan ng Tsina ang epekto ng pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa mga umuunlad na bansang kinabibilangan ng mga bansang Aprikano. Sinusuportahan aniya ng Tsina ang magkakasamang aksyon ng komunidad ng daigdig sa pagpapagaan ng pasanin sa mga bansang ito na dulot ng utang, upang mas mainam nilang harapin ang pandemiya at patatagin ang kabuhayan.
Salin: Liu Kai