Beijing, Setyembre 5, 2020 - sinabi ni Yang Jiechi, Direktor ng Tanggapan ng Komisyon sa mga Suliraning Panlabas ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina, na sa kanyang pagdalaw kamakailan sa Myanmar, tinalakay ng kapwa panig ang tungkol sa pagpapalakas ng relasyon ng Tsina at Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Isinalaysay ni Yang, na sa pag-uusap kasama ang mga mataas na opisyal ng Myanmar, ipinahayag niyang ang ASEAN ay nasa priyoridad ng neighborhood diplomacy ng Tsina, at ang relasyong Sino-ASEAN ay lakas na tagapagpasulong sa rehiyonal na kaunlaran at kasaganaan.
Dagdag ni Yang, ang susunod na taon ay ika-30 anibersaryo ng pagkakatatag ng dialogue partnership ng Tsina at ASEAN, at nanawagan siya para palalimin ang relasyong ito sa apat na aspektong kinabibilangan ng pagpapalakas ng pagtitiwalaang pulitikal, pagtataguyod ng kaunlarang may mutuwal na kapakinabangan, pagpapasulong ng kooperasyon sa paglaban sa Coronavirus Disease 2019, at pagpapanatili ng katatagang panrehiyon.
Salin: Liu Kai