|
||||||||
|
||
Sa 2020 China International Fair for Trade in Services (CIFTIS) na idinaos kamakailan sa Beijing, itinanghal, sa kauna-unahang pagkakataon, ng China National Pharmaceutical Group (Sinopharm) at Sinovac Biotech Ltd. ang kani-kanilang idinedebelop na bakuna laban sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Ito ay hindi lamang tugon sa malawakang pangangailangan ng impormasyon ng mga tao hinggil sa pinakahuling kalagayan sa pagdedebelop ng bakuna laban sa COVID-19, kundi nagdulot din ng malaking pag-asa na mailalabas ng Tsina ang abot-kaya, ligtas at epektibong bakuna sa lalong madaling panahon.
Ayon sa ulat kamakailan ng World Health Organization (WHO), kasalukuyang nasa yugto ng phase III clinical trial ang 9 na kandidatong bakuna sa buong daigdig, at 3 sa mga ito ay galing sa Tsina.
Kabilang sa mga ito ay ang mga bakuna ng Sinopharm at Sinovac, at isa pa ay idinedebelop ng grupong pinamumunuan ni Chen Wei, siyentista sa medisina mula sa Academy of Military Medical Sciences ng Tsina.
Pawang nakapasa sa phase I at II clinical trial ang tatlong bakunang ito, at napatunayang ligtas at epektibo.
Sa phase III trial, ibayo pang sinusuri ang kakayahan ng mga bakuna sa pagbibigay-proteksyon sa mga tao laban sa pagkahawa sa COVID-19.
Ang phase III clinical trial ng naturang 3 bakuna ay isinasagawa ngayon, kapuwa sa Tsina at ibang mga bansa.
Halimbawa, ang pagsubok ng bakuna ng Sinopharm ay isinasagawa sa United Arab Emirates, Peru, Morocco, at Bahrain.
Ang pagsubok naman ng bakuna ng Sinovac ay isinasagawa sa Indonesya at Brazil.
Samantala, ang pagsubok ng bakuna ng grupo ni Chen Wei ay isinasagawa sa Rusya at Pakistan.
Ayon naman sa Embahada ng Tsina sa Pilipinas, halos 1,500 Overseas Filipino Workers (OFW) ang lumahok sa phase III clinical trial ng bakuna ng Sinopharm sa UAE na sinimulan noong nagdaang Hunyo.
Bukod sa kanila, mahigit 30 libong iba pa mula sa naturang bansa ang na-iniksiyunan din ng bakuna.
Samantala, ipinahayag minsan ng Kagawaran ng Kalusugan ng Pilipinas ang intensyong lumahok sa phase III clinical trial ng bakuna ng Sinovac.
Sa ilalim naman ng pangkagipitang sistema ng paggamit ng bakuna ng Tsina, tumanggap ng bakuna ng COVID-19 ang ilang daang libong Tsino, at walang na-i-ulat na kaso ng malubhang side effect.
Kabilang sa mga ito, mahigit 10 libo katao na kinabibilangan ng mga tauhang medikal, diplomata, at manggagawa ang tumungo sa mga bansa kung saan kumakalat pa rin ang epidemiya ng COVID-19 upang magbigay ng tulong, at ayon sa pagmomonitor, hanggang sa kasalukuyan, ni isa ay walang nahawa sa kanila.
Kaugnay naman ng pangmatagalang epekto ng mga bakuna, naniniwala ang mga siyentista, na magiging epektibo ang mga bakuna sa loob ng 1 hanggang 3 taon.
Mabisa rin ang mga bakuna laban sa iba pang mutation ng virus, dahil ang isyung ito ay lubos ding pinag-isipan ng mga tagapagdebelop, dagdag ng mga siyentista.
Kasabay ng pagsasagawa ng phase III clinical trial, ginagawa rin ng mga kompanyang parmasyutikal ng Tsina ang paghahanda sa malawakang pagpoprodyus ng bakuna, para makaabot sa iskedyul ng paglabas ng mga bakuna bago mag-katapusan ng taong ito.
Ayon sa mga may kinalamang panig, pawang aabot sa 300 milyong dose ang inisyal na taunang output ng naturang 3 bakuna, at palalakihin pa ang kapasidad sa produksyon sa hinaharap.
Noong nagdaang Mayo, sa kanyang talumpati sa seremonya ng pagbubukas ng ika-73 sesyon ng World Health Assembly (WHA), sinabi ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina, na pagkaraang matagumpay na ma-idebelop ng Tsina ang bakuna laban sa COVID-19, ito ay magiging "global public good."
Dagdag pa ni Xi, bibigyang-priyoridad sa bakuna ng Tsina ang mga umuunlad na bansa.
Habang lumalahok naman nitong Setyembre 3 sa video conference ng mga ministrong panlabas ng G20, ipinahayag ni Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, na dapat pabilisin ang pagdedebelop, paggawa, at pamamahagi ng mga bakuna laban sa COVID-19.
Nanawagan din siya sa G20, na patingkarin ang namumunong papel, para gawing abot-kaya at bigyang-akses ang mga umuunlad na bansa sa mga bakuna.
Salin: Liu Kai
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |