Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Panahon ng pag-ani, komong pagdiriwang ng Pilipinas at Tsina; Chinese Farmers' Harvest Festival, idinaraos kasabay ng Taglagas

(GMT+08:00) 2020-09-22 15:39:28       CRI

Pumasok na ang panahon ng anihan, kaya naman marami sa mga magsasaka sa kanayunan, partikular sa mga probinsya ng Tarlac, Nueva Ecija, Pampanga, Isabela, Cagayan, Iloilo, Camarines Sur, Maguindanao at marami pang iba ay abala sa pag-aani at pag-aasikaso sa kanilang mga sakahan.

Idinaraos sa panahong ito ang iba't-ibang kaugaliang gaya ng mga salu-salo ng mga magbubukid, pagdiriwang ng mga magsasakang pamilya at siyempre, mga kapistahang pang-nayon o pambayan bilang pasasalamat sa mabuting ani.

Depende sa uri ng pananim at lokasyon ng probinsya, may ibat-ibang panahon ang anihan sa Pilipinas: may mga umaani sa buwan ng Setyembre-Oktubre; may mga umaani sa mga buwan ng Marso-Mayo; at mayroon din namang umaani sa buwan ng Agosto, na karamihan ay magsasaka ng gulay at prutas.

Bilang agrikultural na bansang may mayaman at makulay na kultura, maraming pestibal ang idinaraos sa iba't-ibang sulok ng Pilipinas tuwing panahon ng pag-ani, at ilan sa mga ito ay: Pestibal ng Pahiyas (Mayo 15) sa Lucban, Quezon; Pestibal ng Kaamulan (Marso-Abril) sa Malaybalay, Bukidnon; Pestibal ng Anibina Bulawon (unang linggo ng Marso) sa Nabunturan, Compostela Valley; Pestibal ng Pangapog (Agosto 1-7) sa lunsod ng Samal, Davao Del Norte; Pestibal ng Pinya (Hunyo 29) sa lunsod ng Ormoc, Leyte; at marami pang iba.

Sa mga pestibal na ito, ginagawa ang mga parada, sayawan, kantahan, kainan, patimpalak, presentasyon ng makukulay na kasuotan, prosisyon ng mga kalabaw at iba pang hayop na katulong sa bukid, at siyempre, pagpapakita ng mga produktong mula sa pagod at pawis ng mga magsasaka.

Sa kabilang dako, bilang isa ring bansang may mahabang kasaysayan sa larangan ng agrikultura, mayroon ding katulad na tradisyon ang Tsina pagdating sa panahon ng anihan, at pagpapasalamat sa mabuting ani.

Sa apat na panahon sa Tsina, ang Taglagas ay itinuturing na panahon ng pag-ani.

Kaya naman, noong 2018, sinimulan ang taunang Chinese Farmers' Harvest Festival, kasabay ng pagpasok ng Qiufen, o autumnal equinox sa hilagang hemisperyo, ayon sa Kalendaryong Tsino.

Ito ang kauna-unahang nasyonal na pestibal para sa mga magsasaka ng bansa, at para sa ikatlong taong pagdiriwang nito, ito ay natapat ngayong araw, Setyembre 22, 2020.

Tulad din ng mga pestibal ng Pilipinas, idinaraos sa Chinese Farmers' Harvest Festival ang iba't-ibang aktibidad, gaya ng live-stream promotion, pagtatanghal na kultural, perya, farming experiences communications, mga teknolohiyang pansakahan, promosyon sa pagkamalikhain ng mga magsasakang Tsino, at marami pang iba.

Ang pagdiriwang na ito ay bilang pagbibigay-pugay sa mga pagpupunyagi ng mga magsasakang Tsino, at pasasalamat sa kanilang kontribusyon sa pagpapaunlad ng bansa.

Samantala, sa kanya namang pagbati para sa araw na ito, ipinahayag ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina, na sa harap ng pandemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19), tagtuyot, tagbaha, at bagyo, ang ani ngayong taon ay di-madaling nakamtan at dapat tunay na pahalagahan.

Aniya, napakaraming magsasaka at lokal na opisyal ang nagpakasakit sa pag-oorganisa ng napapanahong pagtatanim habang nilalabanan ang pandemiya, at ang mga ito ay nagresulta sa pagkakaroon ng malakas na pangkalahatang istabilidad pang-ekonomiya at pag-unlad ng lipunan.

Para maitayo ang lipunang nagbibigay-atensyon sa kapaligirang pang-agrikultura, kanayunan at kapakanan ng mga magsasaka, pinaiiral ng Tsina ang patakarang "Three Rural Issues," na kinabibilangan ng: agrikultura, kanayunan, at magsasaka.

Qiufen: ano ba ito?

Ang Qiufen o autumnal equinox ay isa sa 24 na solar na termino ng Kalendaryong Tsino.

Ito ang kalagitnaang panahon ng Taglagas, at matapos dumating ang Qiufen, mas iikli ang araw at mas hahaba ang gabi sa hilagang hemisperyo.

Maliban sa Chinese Farmers' Harvest Festival, marami pang aktibidad at kawili-wiling pagbabago sa panahon at kapaligiran ang nangyayari tuwing Qiufen, at ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod:

--Kaaya-ayang panahon, akma sa pamamasyal

Ayon sa aklat na, "The Detailed Records of the Spring and Autumn Period (770-476BC)," sa panahon ng Qiufen, nasa balanseng estado ang Yin at Yang, kaya naman magkapareho ang haba ng araw at gabi at balanse rin ang init at lamig ng panahon.

Sa panahong ito, nagsisimula nang manilaw at mahulog sa lupa ang mga dahon ng punong-kahoy, at may kaaya-ayang panahon sa karamihan ng lugar sa Tsina, kaya naman napakasarap maglakad-lakad at mamasyal sa mga parke.

--Panahon ng pagkain ng alimango

Tuwing Qiufen, nagiging mas katakam-takam ang mga alimango.

Kaugnay nito, nakaugalian na ng mga Tsino ang pagkain ng alimango tuwing Qiufen, dahil pinalalakas nito ang bone marrow at inaalis ang init sa loob ng katawan.

--Panahon ng pagkain ng Qiucai

Sa katimugang Tsina, nakagawian na ang pagkain ng gulay na kung tawagin ay "Qiucai (gulay ng Taglagas)" tuwing araw ng Qiufen.

Ang Qiucai ay isang uri ng wild amaranth, at inilalahok sa sinabawang isda na kung tawagin ay "Qiutang" (sopas ng Taglagas).

Ayon sa matandang kasabihang Tsino: "Higupin ang sabaw nang luminis ang atay at bituka, para maging ligtas at malusog ang pamilya."

--Panahon ng pagkain ng ibat-ibang gulay at prutas

Ang Qiufen ay panahon ng anihan sa Tsina, at tuwing sasapit ang yugtong ito, nagiging hinog ang mga olive, peras, papaya, kastanyas, beans, at iba pang gulay at prutas, kaya naman, napakasarap tikman ang mga ito.

Panahon ng pag-amoy sa Osmanthus at Chrysanthemum

Ang Qiufen ay panahon din ng paglanghap sa mahalimuyak na amoy ng Osmanthus at Chrysanthemum.

Sa panahong ito, may-kainitan tuwing araw at may-kalamigan naman tuwing gabi, sa katimugang Tsina, kaya nagsusuot ng maninipis na damit ang mga tao tuwing araw at dobleng damit naman kapag gabi.

Sa wikang Tsino, ito ay tinaguriang "Guihuazheng," na nangangahulugang "osmanthus mugginess."

Artikulo: Rhio Zablan

May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>