|
||||||||
|
||
Ipinadala kahapon, Lunes, ika-12 ng Oktubre 2020, ni First Lady Peng Liyuan ng Tsina, ang video message bilang pagbati sa paggawad ng Girls' and Women's Education Award ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO).
Ipinahayag muna ni Peng ang pagbati sa mga nagwagi ng gantimpala mula sa Sri Lanka at Kenya.
Sinabi niyang, noong 2015, itinatag ng Tsina, kasama ng UNESCO, ang nabanggit na gantimpala. Layon nito aniyang kilalanin ang ambag na ibinigay ng mga tao, para tulungan ang kababaihang makuha ang kaalaman at kasanayan, pasulungin ang pagkakapantay-pantay ng kasarian sa aspekto ng edukasyon, at itaguyod ang pag-unlad ng lipunan.
Ipinahayag ni Peng, na sa kasalukuyang pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), napilitang itigil ang mga pag-aaral ng 1.5 bilyong estudyante, at higit na malaki ang epekto nito sa mga batang babae. Dapat aniyang buong sikap na tulungan silang bumalik sa paaralan.
Tinukoy din ni Peng, na sa mga di-nakapag-aral na mga menor-de-edad sa buong daigdig, 63% ang mga babae. Aniya, hindi uunlad ang lipunan, kung hindi magkakaroon ang mga kababaihan ng mabuting edukasyon.
Nanawagan siya sa mas maraming bansa at tao na aktibong kumatig at lumahok sa pagpapasulong ng edukasyon ng kababaihan.
Diin ni Peng, patuloy na magsisikap ang Tsina, kasama ng UNESCO, para maging matagumpay ang Girls' and Women's Education Award sa 2021 hanggang 2025. Nakahanda rin aniya ang Tsina, na magbigay ng mas malaking ambag, para pasulungin ang edukasyon ng mga kababaihan at isakatuparan ang Sustainable Development Goals.
Salin: Liu Kai
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |