|
||||||||
|
||
Bilang pagdiriwang sa ika-45 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng Tsina, at sa pagtataguyod ng 51Talk, nangungunang online English education platform na nakabase sa Bejing, ginanap ang China-Philippines Educational Exchanges Seminar Biyernes, Oktubre 16, 2020.
Sinaksihan din ng mga kalahok ang tagumpay ng Sino-Philippines Guinness World Records attempt na tinaguriang "the largest online video album of people waving."
Kabilang sa mga dumalo sa mga aktibidad sina Huang Jiajia (Jack Huang), Chief Executive Officer (CEO) ng 51Talk; Huang Xilian, Embahador ng Tsina sa Pilipinas; Jose Santiago Sta. Romana; at mga guro at estudyante ng 51Talk.
Sa kanyang talumpati, ipinahayag ni Embahador Sta. Romana ang pasasalamat sa 51Talk sa pagkakaloob ng oportunidad para sa magagaling na gurong Pilipino sa paglilinang na online ng mga estudyanteng Tsino.
"Dahil tumataas ang pangangailangain ng pag-aaral na online sa ilalim ng new normal, hangad kong mas maraming bintana ang mabubuksan ng Tsina para sa mas maraming edukator na Pilipino, " saad ng sugong Pilipino.
Sinabi naman ni Jack Huang, na sa gitna ng COVD-19, ilang kampanya ang inilunsad ng 51Talk, na nakaakit ng 30,000 gurong Pilipino. Aniya pa, mainit na tinatanggap ng mga magulang na Tsino ang mga maestro at maestrang Pilipino, at balak ng kanyang kompanya na aabot sa 100,000 Pinoy ang kukunin bilang guro sa hinaharap.
Sa kanya namang talumpati, ipinahayag ni Embahador Huang na ang aktibidad na ito ay nakakabuti sa pagpapalitan ng dalawang bansa sa larangan ng edukasyon at pagkaka-unawaan ng mga mamamayan.
Ani Huang, dahil sa epekto ng COVID-19, kinikitaan ang Tsina't Pilipinas ng mga bagong modelo ng pagtutulungang gaya ng online na edukasyon. Bunga, nito, nakikinabang ang mga batang Tsino sa lumolobong pag-unlad ng industriya ng online education, at ito rin ay nagkakaloob ng maraming pagkakataon ng hanap-buhay para sa mga Pilipino, dagdag pa ng sugong Tsino.
Sa seremonya, iginawad ni Iris Hou, Guinness World Records adjudicator, ang plake kina Jack Huang at Allen Carillo, Third Secretary and Vice-Consul ng Pasuguan ng Pilipinas sa Tsina, bilang pagkilala sa tagumpay ng "the largest online video album of people waving," na nilahukan ng mahigit 5,000 katao.
Ulat: Ernest
Pulido: Rhio/Jade
Larawan: Pasuguan ng Tsina sa Pilipinas
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |