|
||||||||
|
||
Isandaan at limampung (150) set ng high-flow humidifier ang ibinigay Miyerkules Oktubre 21, 2020, ng Embahadang Tsino sa pamahalaan ng Pilipinas para tulungan ang mga nahawahan ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19), lalo na ang mga nasa kritikal na kondisyon.
Ayon kay Huang Xilian, Embahador ng Tsina sa Pilipinas, ang naturang mga kagamitan ay nagpapakita ng matibay na pagkakapit-bisig ng Tsina at Pilipinas sa magkasamang paglaban sa pandemiya ng COVID-19.
Umaasa si Huang na ang pagbangon ng kabuhayang Tsino ay makakatulong sa muling pagsigla ng kabuhayang Pilipino at magpapanumbalik sa normal na kaayusan ng lipunan at komersyo sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Pinasalamatan naman ni Executive Secretary Salvador Medialdea, ang tuluy-tuloy na pagtulong at pagsuporta ng panig Tsino sa pagpuksa ng Pilipinas sa COVID-19.
Hanga aniya siya sa natamong bunga ng Tsina sa pag-unlad ng lipunan at kabuhayan, at naniniwala siya, na ang mga ito ay magdudulot ng mga pagkakataon para sa pagbangon ng kabuhayan ng Pilipinas.
Ang 150 set ng high-flow humidifier ay ang pinakahuling batch ng high-end na kagamitang medikal na ibinigay ng Pasuguang Tsino sa Pilipinas.
Matatandaang 130 ang kabuuang bilang ng mga ventilator na nauna nang ibinigay ng Pasuguang Tsino.
Kasabay nito, patuloy ang iba't ibang sektor ng Tsina sa pagkakaloob ng mga suplay na medikal sa Pilipinas, sa pamamagitan ng iba't ibang tsanel.
Sa kasalukuyan, mayroon nang mahigit 250,000 test kits, at 1.87 milyong surgical masks, personal protective equipment (PPE) at iba pa ang naibigay ng pamahalaang Tsino sa Pilipinas.
Bukod dito, aktibong tumutulong ang mga pamahalaang lokal, bahay-kalakal at samahang sibil ng Tsina sa laban ng Pilipinas kontra COVID-19, at mga 10 milyong test kits, masks at PPE ang kanilang naibahagi.
Dagdag pa riyan, 40,000 "Friendship Bags" na naglalaman ng mga pagkain at pang-araw-araw na kagamitan ang ibinigay kamakailan ng Embahada at Konsuladang Tsino sa mga pamilyang Pilipinong apektado ng COVID-19.
Ulat: Ernest
Pulido: Rhio/Jade
Larawan: Pasuguan ng Tsina sa Pilipinas
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |