Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Pilipinas, mag-aalok ng mga malusog at natural na pagkain sa Ika-3 CIIE; napakalaking pamilihan, idudulot ng Tsina

(GMT+08:00) 2020-10-27 20:48:14       CRI
Mula ika-5 hanggang ika-10 ng darating na Nobyembre, muling idaraos sa Shanghai, lunsod sa silangang Tsina, ang China International Import Expo (CIIE).

Ang CIIE ay isang ekspo ng Tsina na eksklusibo sa mga dayuhang kompanya, para ibenta nila ang mga produkto sa pamilihang Tsino. Ito ay magiging ikatlong beses na pagdaraos ng ekspong ito.

Sa taong ito, plano ng Department of Trade and Industry (DTI) ng Pilipinas na isali ang 40 kompanya ng pagkain at fresh produce ng bansa, para lumahok sa ekspo at mag-alok ng mga malusog at natural na produkto.

Itatanghal ang mga produktong Pilipino sa 108 metro-kuwadradong pabilyon ng Pilipinas sa Food and Agricultural Products Hall ng ekspo.

Ayon sa Philippine media, pinahahalagahan ng Pilipinas ang CIIE bilang pagkakataon para i-promote ang mga lokal na kompanya sa merkado ng daigdig, at tulungan ang pamahalaan sa pagharap sa pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Sinabi kamakailan ni Kalihim Ramon Lopez ng DTI, na ang CIIE ay estratehikong plataporma ng Pilipinas at mga Pilipinong kompanya ng pagluluwas, para matawag ang pansin ng pamilihang Tsino, sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga produktong may pandaigdigang lakas-kompetetibo, pag-unlad ng kabuhayan, at mga pagkakataon sa pamumuhunan ng bansa.

Dagdag pa ng kalihim, ang CIIE ay makakapagpalakas ng ginagawang pagsisikap ng pamahalaan, para ibayo pang pasiglahin ang negosyo at likhain ang mga trabaho, na makakatulong sa pagbangon ng kabuhayan.

Sa katotohanan, ang palagay ni Kalihim Lopez ay paniniwala rin ng mga business leader ng ibang bansa.

Halimbawa, sinabi kamakailan ni Jose Antonio Camposano, Presidente ng National Chamber of Aquaculture ng Ecuador, na ang CIIE ay walang katulad na plataporma para sa mga bansa at rehiyong naghahangad na magnegosyo sa Tsina bilang ikalawang pinakamalaking ekonomiya ng daigdig.

Ito rin aniya ay mahalaga para sa mga bansang nais ibayo pang buksan ang pinto ng kalakalan sa pagitan nila ng Tsina.

Ipinahayag naman ni Kevin Tang, Puno ng Brazil-China Chamber, na sa kabila ng kahirapang dulot ng pandemiya ng COVID-19, ang kasalukuyang CIIE ay simbolo at tulong sa pagbangon ng kabuhayan, at ang tuluy-tuloy at mainam na takbo ng kalakalan sa Tsina ay mahalaga para sa libu-libong kompanya at trabaho sa buong mundo.

Dagdag niya, ang CIIE ay perpektong lugar para galugarin ng mga kompanya ng Brazil ang napakalaking potensyal ng Tsina sa pagkonsumo.

Ayon naman sa impormasyon ng tagapag-organisa ng CIIE, sa Food and Agricultural Products Hall ng ikatlong ekspo, makikita ang mahigit 1000 kompanya mula sa halos 100 bansa at rehiyon, na kinabibilangan ng mga kompanyang namumuno sa kani-kanilang industriya, na gaya ng food giant Danone ng Pransya, dairy company Fonterra ng New Zealand, brewery company Kirin ng Hapon, at iba pa.

Itatanghal din ang mga espesyalti ng mga bansa, na gaya ng alak ng Chile, chia seed ng Mexico, hipon ng Ecuador, mga karne ng baka at tupa ng Kazakhstan, at iba pa.

Ayon sa pagtaya ng McKinsey, kilalang pandaigdigang management consulting company, sa taong 2022, 54% ng mga pamilya sa kalunsuran ng Tsina ay aabot sa upper middle-income class, na may taunang kita mula 106 na libo hanggang 229 na libo yuan RMB.

Ang pagbili ng mga pagkaing may mataas na kalidad, lalo na mula sa ibang bansa, ay kanilang unang pili para pataasin ang kaginhawahan ng pamumuhay. Bumuo ito ng isang napakalaking pamilihan para sa iba't ibang bansa.

Samantala, pagkaraang idaos nang dalawang beses, ang CIIE ay pinatunayan nitong ito ay mabisang plataporma para dagdagan ng mga bansa ang pagluluwas sa Tsina.

Halimbawa, ayon sa opisyal na estadistika, sa unang CIIE noong 2018, nagkaroon ang Pilipinas ng mga kontrata para sa pagbebenta ng 124 na milyong Dolyares na produkto sa Tsina, at ang malaking bahagi ng mga ito ay mga prutas at naprosesong pagkain. Sa ikalawa namang CIIE noong 2019, ang halaga ng mga nilagdaang kontrata ay nagdoble kaysa halaga noong 2018, at umabot sa halos 300 milyong Dolyares.

Higit sa lahat, sa ilalim ng epekto ng pandemiya ng COVID-19, nakita ng maraming kompanya ng pagkain ang pagbaba ng pagbebenta sa pamamagitan ng catering channel, pero napakabilis na lumaki ang online sales.

Kung babanggitin ang online sales, ang Tsina na may maunlad na E-commerce platform ay dapat maging isa sa mga pinakamabuting pagpili ng iba't ibang kompanya.

Dahil sa mga ito, nananalig ang mga opisyal Pilipino na magiging matagumpay ang paglahok ng Pilipinas sa Ika-3 CIIE. Sana'y maisasakatuparan ng lahat ng mga kalahok na kompanyang Pilipino ang kani-kanilang target sa pagbebenta.

Reporter: Liu Kai
Pulido: Mac Ramos

May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>