|
||||||||
|
||
Pumasok na ang buwan ng Nobyembre, kaya naman nagsisimula na ring umihip ang malamig na Amihan.
Para sa karamihan sa ating mga Pilipino, ito ay espesyal panahon dahil di-lamang dala ng malamig na hangin ang preskong pakiramdam, ipinaparamdam din nito ang diwa ng Pasko at Bagong Taon.
Ang Amihan (Northeast Monsoon) ay malamig na hanging nanggagaling sa hilagang-silangan, mula sa Siberia at Tsina, Hapon, at Korea.
Karaniwan itong dumarating sa buwan ng Oktubre o Nobyembre, lumalakas ang ihip sa Disyembre, at mananatili hanggang Pebrero o Marso.
Samantala, halos kasabay ng pagdating ng Amihan sa Pilipinas ang pagpasok naman ng taglamig sa Tsina, na nag-uumpisa ngayong araw, Nobyembre 7.
Ito ay tinatawag na Li Dong, o Simula ng Taglamig.
Ang Tradisyonal na Kalendaryong Tsino ay nahahati sa 24 na solar na termino, at ang Li Dong ay ang ika-19.
Katulad ng Pilipinas, ang Tsina ay isang agrikultural na bansa, at ang Tradisyunal na Kalendaryong Tsino ay may napakahalagang papel sa aktibidad ng mga magsasaka.
Ang Li Dong ay ang opisyal na pagpasok ng taglamig, kaya, ito ay hudyat para sa mga magsasaka upang tapusin ang pag-aani at pag-iimbak ng lahat ng pagkain dahil dumating na ang mabagsik na taglamig.
Samantala, maliban sa mga lalawigan sa dakong timog ng bansa na tulad ng Hainan at Guangdong, nagsisimulang maramdaman sa iba pang lugar ng Tsina ang may kalakasang hangin; kapansing-pansing pagbagsak ng temperatura, lalo na kapag umaga at gabi; at pag-ulan ng niyebe sa kahilagaan ng bansa
Sa hilagang rehiyon ng Tsina na tulad ng Qinghai-Tibetan Plateau, Inner Mongolia at Heilongjiang, ang temperatura ay maaaring bumagsak sa -10℃ o mas mababa pa.
Bukod diyan, ang Li Dong ay isang mahalagang pagdiriwang para sa mga Tsino, dahil sinisimbolo nito ang pagtatapos ng trabaho sa bukirin, pagtanaw sa bagong simula at pag-asa para sa mas mabuting panahon ng pagtatanim.
Pagkain at kagawiang panalubong sa taglamig
Sa gawing hilagang Tsina, ang Li Dong ay itinuturing bilang "Munting Pestibal ng Tagsibol" (ang Pestibal ng Tagsibol ay ang pinakamahalagang pagdiriwang ng Nasyong Tsino at katumbas ng pinagsamang Pasko at Bagong Taon ng mga Pilipino).
Tulad ng Pestibal ng Tagsibol, ang mga taga-hilagang Tsina ay naghahanda ng dumpling tuwing sasapit ang Li Dong.
Ayon sa kanilang paniniwala, "ang pagkain ng dumpling sa simula ng taglamig ay makakatulong sa katawan upang labanan ang mapait na taglamig."
Maliban sa dumpling, marami pang ibang pagkain at kagawiang panalubong sa taglamig ang mga Tsino.
Dumpling
Noong sinaunang panahon, bago magsimula ang taglamig, gulay lamang ang kinakain ng emperador; at sa araw na ito, pumupunta siya sa templo, kasama ang iba pang opisyal upang idaos ang seremonya ng pagsalubong sa taglamig.
Sa lunsod naman ng Harbin, lalawigang Heilongjiang, sa dulong hilaga ng Tsina, idinaraos ang kompetisyon sa paglangoy sa nagyeyelong ilog.
Ang paglangoy anila sa nagyeyelong ilog ay mabuting ehersisyo, at nakakapagpalakas ng resistensiya ng katawan at isipan bilang paghahanda sa mapait at mahabang taglamig.
paglangoy sa nagyeyelong ilog
Sa kabilang dako, sa mga probinsyang malapit sa dalampasigan, tulad ng Guangdong at Taiwan, ang kaugalian ay paghahanda ng mga putaheng may mataas na calorie na kinabibilangan ng karne ng manok, karne ng baka, karne ng tupa, at isda, kasama ng mga halamang gamot at gulay.
Ito ay kanilang pinagsasaluhan upang madagdagan ang kanilang lakas at mapataas ang kakayahan ng katawan laban sa lamig.
nilagang tupa
Sa unang araw ng Li Dong, kinakain naman ng mga taga-lunsod Wuxi, lalawigang Jiangsu, sa gawing silangan ng Tsina ang Tuanzi, isang tradisyonal na pagkaing yari sa kanin.
Sa panahong ito, bagong ani ang bigas at para sa mga taga-Wuxi, ang bagong aning bigas ay pinakamasarap.
Ang Tuanzi ay karaniwang pinalalamnan ng dinikdik o giniling na munggo at labanos.
Tuanzi
Ulat: Rhio Zablan
Edit: Jade
Larawan: VCG/Sarah
Source: Sarah/Rhio/Jade
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |