|
||||||||
|
||
September 11, 2011 (Sunday)
Bukas, magdiriwang ang mga Chinese ng kanilang Mid-Autumn Festival. Iyon iyong ang pangunahing pagkain ay mooncake, hopia diyan sa atin. Marami na akong natanggap na special greetings. Salamat sa inyo.
Naalala ko tuloy iyong nangyari sa akin noong matagal na matagal na. Mid-Autumn Festival noon, eh. Bagu-bago pa lang akong nagbibisikleta. Alam niyo, sa totoo lang, dito lang ako sa China natutong magbisikleta. Totoo iyon.
Mooncakes
Papunta ako ng downtown noon nakabisikleta. Habang kumakaripas ng takbo sa highway iyong sinasakyan kong bisikleta, nakakaamoy naman ako ng mooncake. Lutang na lutang sa hangin iyong amoy. So, pidal ako nang pidal. Pidal. Pidal. Pagkaraan ng ilan pang pidalan, natapat ako doon mismo sa pinanggagalingan ng amoy. Nakabisikleta rin. Isang kabataang babae. May katabaan. Tawagin na lang natin siyang xiaojie (miss). Hindi na siguro makapaghintay na makauwi ng bahay, nilantakan na ni xiaojie iyong biniling mooncake. Habang hawak ng kaliwang kamay ang crossbar ng bisikleta, hawak naman ng kanan ang mooncake. Nasa gawing kanan ko siya. Malapit siya sa bangketa. Siguro, alam na ninyo na pag mabilis ang ikot ng gulong ng bisikleta o motorsiklo at nadikit iyon sa bangketa, sisikad iyon. Siguro, dahil sa sarap na sarap sa kinakaing mooncake, hindi napupuna ni xiaojie na halos nakadikit na ang gulong ng bisikleta niya sa bangketa. At nagiliran nga ng gulong ang bangketa. Semplang si xiaojie. Semplang din ako dahil magkatabi kami. Bagsak ako patihaya. Bagsak naman siya sa ibabaw ko. Galit na galit ang pobre. Nagngangawa. Kung sinu-sino ang sinisi. Pat ata mooncake napagdiskitahan pa.
Mga bisikleta sa rush hour
Magkaharap kami. Halos magkadikit ang mga mukha, kaya naihinga niya sa akin ang sama ng loob—quote, unquote. Noong naramdaman niyang napapaligiran na pala kami ng mga nagtatawanang ususero at ususera tsaka lang niya naisip na magtanong kung okey ako. Nagtanong pa! Lahat ng mooncake niya tumilapon sa daan, maliban sa dalawang piraso. Sabi niya, "Sa iyo na lang iyan. Ayoko nang dalhin iyan baka hindi ako makauwi ng bahay." Naawa naman ako sa dalawang mooncake kaya tinanggap ko. Ano ba naman ang kasalanan nila?
Pabalik na ako ng bahay hindi pa rin umaalis ang mga ususero at ususera. Gusto ko tuloy na isigaw na "Tapos na ang boksing!"
Ginutom ako dahil sa nakakatawang pangyayari. Kaya habang nagbibisikleta pauwi sa hotel na tinutuluyan ko, pinapak ko ang mooncake ni xiaojie. Isang kamay sa crossbar, isang kamay sa mooncake. Nakauwi naman ako nang walang anumang nangyari. Mali ang prediksiyon ni xiaojie.
Talagang hindi lahat ng aksidente ay maituturing na trahedya, kung minsan ito ay nauuwi rin sa komedya…
TIME LIKE A SONG
(EASON CHAN)
Iyan, narinig ninyo si Eason Chan sa kanyang awiting "Time Like a Song," na hango sa album na pinamagatang "Digital Life."
Kumusta kina Lizbeth, Jennifer at Mindy ng Finland. Happy listening at maraming salamat sa inyong pagtangkilik.
Ang nabanggit na mga kababayan ay laging nakikinig sa aming mga programa sa website. Nakakatuwa naman.
COUNTING THE STARS
(JACKY CHEUNG)
Jacky Cheung sa kaniyang awiting "Counting the Stars," na lifted sa album na pinamagatang "Are You Falling in Love?"
Sabi ng 919 426 0570, "Kuya Ramon, maligayang bati sa pagdiriwang ninyo ng Mid-Autumn festival. Sarapan mo ang kain ng espesyal na hopia, ha?"
Sabi naman ng 917 492 6664: "Happy, happy Mid-Autumn Festival sa inyong lahat, Kuya Mon. Your latest version of Gabi ng Musika is just fantastic."
Sabi naman ng 921 342 5539: "Kuya Ramon, kumusta na kayo diyan sa Filipino Service? Ipinaaabot ko ang aking pagbati para sa pagdiriwang ninyo ng Mooncake Festival. Gaano karami kaya mong ubusin?"
Salamat sa inyong mga mensaheng SMS.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |