|
||||||||
|
||
April 14, 2013 (Sunday)
Magandang-magandang gabi. Ito ang inyong loving DJ para sa Gabi ng Musika atbp.
Kumusta na? Okey lang ba kayo riyan? Siyempre, kung okey kayo riyan, okey din kami rito. At kung wala kayo riyan, wala rin kami rito. Kayo ang lifeblood ng CRI at Serbisyo Filipino. Iyon yun, eh.
Traditional Chinese Medicine
Nagpapasalamat si Margie ng San Fernando, Pampanga dahil magmula raw noong sundin niya ang payo kong pagbababad ng mga paa sa mainit na tubig na may asin ay nakaramdam na siya ng ginhawa. Nabawasan daw ang pagsumpong ng kanyang rayuma.
Alam niyo, iyan ay ipinayo rin sa akin ng isang kakilalang TCM doctor dito sa Beijing. Pero sinabi niya, iyon daw ay effective depende sa kung anong klase ng rayuma mayroon ka. Pero sinabi rin niya na wala namang mawawala kung susubukin mo dahil wala namang side effect. Tama nga naman.
So, masaya na rin ako, Margie, dahil nakatulong pala iyong TCM tip na ibinigay ko sa iyo. Ingat ka lang sa mga kinakain mo. Iwasan mo iyong mga ipinagbabawal na pagkain. Salamat sa feedback and God bless you.
Bigyang-daan natin ang ilang piling mensahe.
Tensiyon sa Korean Peninsula
Sabi ni Mindy ng Orani, Bataan: "Totoo man o hindi ang banta ng Hilagang Korea, dapat itong seryosohang isa-alang-alang ng mga may kinalamang bansa. Ang tensiyon sa Korean Peninsula ay hindi lang usapin ng dalawang Korea kundi usapin din ng rehiyon at daigdig."
Sabi naman ni Vicky ng Forvenir, Sta. Cruz, Manila: "Naniniwala ako na ang pagdalaw ni Secretary Kerry sa China ay may kinalaman sa problema sa North Korea. Malaki ang maitutulong ng China para mabawasan ang pag-iiringan ng Hilagang Korea at Timog Korea."
Puspusan ang Kampanyahan sa Pinas
Sabi naman ni Candy ng Mabini, Ermita: "Hi, Kuya Ramon! Uuwi ka ba sa Pinas para bumoto o may absentee voting diyan sa Beijing? Kami rito hirap na hirap sa pagpili ng kandidato kasi hindi namin alam kung sino ang totoong tao at nagpapaplastik at kung sino ang totoong magaling at naggagaling-galingan. Sana naman ang mga maluluklok ay iyong mga tunay na makabayan at makakapaglingkod nang tapat sa bayan."
Maraming-maraming salamat sa inyong mga mensahe.
MISS UNIVERSE NG BUHAY KO
(HOTDOG)
Narinig ninyo ang Hotdog sa kanilang awiting "Miss Universe ng Buhay Ko," na lifted sa album na pinamagatang "Hotdog's Greatest Hits."
Kayo ay nakikinig sa himpilang China Radio International at sa programang Gabi ng Musika atbp. ng Serbisyo Filipino. Ito si Ramon Jr., ang inyong loving, ever loving DJ.
JOKE, JOKE LANG
Tunghayan naman natin ang e-mail ni Mareng Gina ng Baclaran, Pasay City. Sabi ng sulat:
Pareng Ramon,
Gusto ko lang mag-hello sa inyong lahat at magpasalamat sa moral at spiritual support ninyo sa akin.
Okay naman ang restaurant business ko at patuloy na nag-e-expand. Ang mga lutong Chinese na natutuhan ko sa inyo ang special features sa restaurants ko.
Ipagpatuloy lang ninyo ang inyong pagpapalitan ng kuru-kuro sa programang pag-usapan natin. Isa ako sa masugid na tagahanga ng program na ito. Pero, siyempre, miss na miss ko na ang Cooking Show ninyo.
Text-text lang tayo para hindi maputol communications natin at sabihin mo lang if there's anything I can do for your programs.
Send my love to everybody.
Mareng Gina
Baclaran, Pasay City
Metro Manila
Thank you so much, Mare. Huwag kang mag-alala at magbabalik din ang Cooking Show sa himpapawid. Hindi ko lang masabi sa iyo kung kelan pero magbabalik iyon. Wish namin dito sa Serbisyo Filipino na lumawak pa ang restaurant business mo. Nakakatuwang malaman na marami palang nagkakagusto sa mga recipe na isinasahimpapawid namin.
A LITTLE LIGHT, A LITTLE BRIGHTNESS
(GUANG LIANG)
"A Little Light, A Little Brightness," inihatid sa ating masayang pakikinig ni Guang Liang. Ang track na iyan ay hango sa album na pinamagatang "Michael Fairy Tale."
Punta naman tayo sa mga SMS.
Lumulobong Populasyon ng Pilipinas
Sabi ng 928 464 3104:"Sorry, Kuya Ramon, hindi aging population ang problema natin. Ang sa atin ay lumulobong populasyon. Sana ito ang pag-usapan ninyo."
Sabi naman ng 0049 242 188 210: "Siyempre, Kuya Ramon, lagi kaming nakaupo sa tabi ng radyo pagdating ng Linggo ng gabi. Iyan ang oras ng Gabi ng Musika, eh. Isang habit na ang pakikinig sa program mong ito."
Sabi naman ng 919 426 7176: "Sana maiwasan ng North Korea ang anumang action na maaring mauwi sa digmaan. Sila mismo ang unang-unang mahihirapan kung mangyayari iyon.
Sabi naman ng 915 881 2174: "Dagdagan natin ang dasal para hindi magkaroon ng digmaan sa Korean Peninsula."
Maraming-maraming salamat sa inyong mga mensaheng SMS.
At diyan sa puntong iyan nagtatapos ang edition sa araw na ito ng Gabi ng Musika atbp.
Para sa inyong mga reaction na may kinalaman sa programang ito o sa alinman sa mga programa ng Serbisyo Filipino, ang aming website ay filipino.cri.cn; ang e-mail, filipino_section@yahoo.com; ang facebook, crifilipinoservice@gmail.com; at ang telephone number, (Buddy Smart) 0921 257 2397.
Itong muli si Ramon Jr. Maraming-maraming salamat sa inyong walang-sawang pakikinig. God bless.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |