|
||||||||
|
||
February 22, 2015 (Sunday)
Magandang-magandang gabi. Ito ang inyong loving DJ para sa Gabi ng Musika atbp.
Quote for the day: "Only a life lived for others is a life worthwhile."-- Albert Einstein
Kumusta na? Okay lang ba kayo riyan? Sana walang problema, ha? At kung mayroon man, labanan ang problema. Huwag na huwag kayong pagugupo sa problema dahil kayang-kaya ninyong igupo iyan kung gugustuhin ninyo. Sabi nga ng mga makaranasang tao, "Kung may problema, may solusyon." Kaya, cool lang kayo. Cool, men, cool.
Bukod sa mga piling awitin, tampok din sa programa ngayong gabi ang mga SMS, e-mail at snail mail mula sa mga tagapakinig at ang pinananabikan ng marami na Chinese recipe. Kaya, huwag kayong aalis sa tabi ng inyong mga radyo at samahan ninyo ang inyong loving DJ sa susunod na dalawampung minuto dito sa Gabi ng Musika atbp.
Get well soon kay Ate Precy Remolin ng Marinduque. Nabalitaan ko na dinapuan ka raw ng karamdaman. Sana hindi magtagal iyang sakit mo na iyan. Mahirap magkasakit, he, lalo na riyan sa Pinas. Pagaling ka agad, Ate.
Sabi ni Ivy Nunes ng Name, Lungsod ng Kalookan: "Alam ko na marami at iba-iba ang paraan ng pagse-celebrate ng Chinese Lunar New Year sa iba't ibang lugar ng China, pero isa lang ang mensahe ko sa lahat: Double happiness and more success."
Sabi naman ni Kristen ng Kalayaan Avenue, Makati City: "Hindi ata bagay na tawaging Year of the Yang ang kasalukuyang lunar year dahil ang nagdaan ay Year of the Horse at ang susunod naman ay Year of the Monkey. Lahat ng pangalan ng hayop ay Ingles. Kaya Year of the Sheep na lang. Mas okay."
Salamat sa inyo, Ivy at Kristen.
MY FAIR SHARE
(SEALS AND CROFT)
Narinig ninyo ang ating pambungad na bilang, "My Fair Share," inawit ng Seals and Croft at lifted sa kanilang "Greatest Hits" album.
Kayo ay nakikinig sa himpilang China Radio International at sa programang Gabi ng Musika atbp. ng Serbisyo Filipino. Ito si Ramon Jr., ang inyong loving, ever loving DJ.
Bigyang-daan natin ang ilang text messages.
Sabi ni Margie ng Bulacan, Bulacan: "My message is written on the wall: Love, peace and joy on New Year's Day."
Sabi naman ni Jennifer ng Shunyi, Beijing, China: "Sana ngayong Year of the Sheep umamo na parang tupa ang lahat ng mga naglalabanang pangkat sa mundo. Give peace a chance."
Sabi naman ni Cielo Dy ng New Territories, Hong Kong: "Sabi nila ang kapayapaan daw ay nagmumula sa puso, at ang pusong mapayapa ay iyong pusong alam ang tunay na kahulugan ng pag-ibig-- pag-ibig sa kapuwa."
Sabi naman ni Elycia Tupaz ng Quirino Highway, Malate, Manila: "Malakas ba ang putukan diyan kung Chinese New Year? Sana maiwasan ninyo ang mga aksidente na dulot ng paputok. Ingat lang sa paghawak ng paputok."
Sabi naman ni Jocelyn ng Mandaluyong, Metro Manila: "Sine-celebrate din dito sa atin ang Chinese New Year kaya maraming nakasabit na mga Chinese lantern sa iba't ibang lugar. Festive atmosphere din."
Many, many thanks sa inyong mga SMS.
ABOT-KAMAY NA BIYAYA
(PENNY TAI)
Iyan naman ang "Abot-kamay na Biyaya," na inawit ni Penny Tai at hango sa album na may pamagat na "Basta Awitin Mo."
Ngayon, dumako naman tayo sa #KusinaniKuyaRamon. Ang Chinese recipe natin ngayong gabi ay Paper-wrapped Chicken.
PAPER-WRAPPED CHICKEN
Mga Sangkap:
1 sariwang manok na tumitimbang ng mga 1.2 kilogramo
3 kutsara ng light soya sauce
3 kutsara ng Chinese rice wine o dry sherry
1 kutsara ng ginger juice
2 kutsarita ng oyster sauce
1/2 kutsarita ng MSG o monosodium glutamate
1/2 kutsarita ng asin
1/2 kutsarita ng asukal
1/2 kutsarita ng sesame oil
20 kuwadradong piraso ng greaseproof paper na may sukat na 20 sentimetro
Cooking oil
Paraan ng Pagluluto:
Hiwa-hiwain ang manok sa 20 piraso. Liban sa papel at cooking oil, pagsama-samahin ang lahat ng mga sangkap tapos isama ang mga piraso ng manok. Haluing mabuti at pagkatapos i-marinate ang manok sa loob ng hindi kukulangin sa 2 oras. Haluin maya't maya.
Patuluin ang mga piraso ng manok. Balutin ang bawat isa ng greaseproof paper at itiklop ang magkabilang dulo ng papel na parang sa sobre at ipaloob ang bawat tiklop.
Mag-init ng cooking oil sa kawali. Iprito ang mga binalot na piraso ng manok sa loob lamang ng 5 minuto. Paunti-unti lang ang pagprito at bali-baligtarin habang ipiniprito.
Isilbi ang manok sa isang malaking bandehado. Iyong mga kakain na lang ang magtatanggal ng balot.
Kung mayroon kayong mga tanong o suggestion, mag-email lamang sa ramones129@yahoo.com o mag-SMS sa 0947 287 1451.
QUIET SUMMER
(JASMINE LEUNG)
Mula sa album na may pamagat na "When the Butterfly Decides to Love," iyan ang awiting "Quiet Summer," na inihatid sa ating masayang pakikinig ni Jasmine Leung.
Nagtatanong si Lily ng Bajac-Bajac, Olongapo City kung ano ang ginagawa ko kung Chinese New Year.
Madalas, nagpupunta lang ako sa mga park at mga temple kung wala rin lang invitation mula sa mga kaibigan at mga kasamahan sa trabaho. Pinupuntahan ko iyong mga park at temple na hindi gaanong popular kasi doon sa mga iba e maraming tao at, alam mo naman, ayokong magpupunta doon sa mga lugar na maraming tao. Binibisikleta ko lang iyang mga park at temple na iyan bilang exercise na rin. Wala ka namang ibang mapuntahan dahil ang karamihan sa mga business establishments e sarado pag ganyang holiday. Iyan lang ang ginagawa ko kung Chinese New Year. Salamat sa e-mail, Lily. Kumusta nga pala kayo diyan sa Bajac-Bajac? Tuloy pa rin ba gigs niyo?
Hello kay Charity ng Paz, Paco, Manila. Nagri-request siya ng Lettermen pero hindi available ang file sa ngayon. Tingnan natin next week, ha?
Salamat kay Nela ng Kota Kinabalu, Malaysia. May padala siyang quotation. Sabi: "Stop watching and start working. Don't watch others live their life and neglect your own. Keep working!"-- Tony Gaskins
Oras na naman para magpaalam. Itong muli si Ramon Jr. Maraming salamat sa inyong walang-sawang pagsubaybay at laging tatandaan na ang kabutihan ay ipinapasa, hindi ibinabalik.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |