|
||||||||
|
||
Noong 2001, lumipad patungong Tsina si Red Ognita para simulan ang bagong yugto ng kanyang buhay.
Sa bansang ito, niyakap nya ang pagkakataon at oportunidad para mabigyan ng magandang buhay ang kanyang pamilya.
Dito rin sa Tsina, napagtuunan at naipahayag nya ang pagka malikhain. Sa kanyang libreng oras, habang nilalabanan ang pangungulila sa pamilyang naiwan sa Pilipinas, napagyabong nya ang hilig sa potograpiya.
Kip kip ang camera, habang naglilibot -- point and shoot – sino ang mag-aakala na kanya na palang nililikha ang mga litrato na kikilalanin ng mga kritiko at itatanghal bilang mga premyadong obra sa fine art photography.
Labing isang taon nang naninirahan sa Tsina si Red at nakita nya ang mabilis na pagbabago ng Beijing.
Dahil landscape ang napiling tema, di nakakapagtaka na marami nang narating na lugar si Red. Sa likod ng kanyang lente nakunan niya ang maraming makapigil hiningang mga tanawin. Halimbawa nito ang lungsod ng guilin, sa Lalawigan ng Guangxi.
Bukod sa guilin, nadalaw na rin ni Red ang Beihai na makikita rin sa Guangxi . Habang nasa tabing dagat, kinunan ni Red ang mga larawan na nanalo sa International Photography Awards sa America.
Isa si Red sa mga pilipinong gumagawa ng pangalan sa larangan ng potograpiya dito sa China.
Hindi sya propesyonal ngunit dala ng tunay na pagmamahal sa sining na ito, nahubog ng husto ang anking talento sa pagkuha ng mga bukod tanging litrato.
Kinikilala nya ang papel ng kanyang lao shi sa kanyang tagumpay. At sa tulong din ng mga kaibigan, ay naging buo ang kanyang kumpyansa.
Ngayon, taas noo nyang ipinagmamalaki ang mga larawan at handa na syang makipagsabayan sa mga fine art photographers saan mang panig ng mundo. Kasabay nito, ipinagmamalaki nyang sya ay isang Pilipino.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |