Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Xiang Shan, bundok ng halimuyak

(GMT+08:00) 2012-11-29 19:01:43       CRI

Sa gawing hilagang kanluran ng Beijing ay may isang bundok na kung tawagin ay "Xiang Shan." Sa wikang Tsino, ito ay nangangahulugang "Mahalimuyak na Bundok." Ito ay hindi kalayuan sa sentro ng Beijing: halos 30 kilometro lamang ang layo sa downtown. Ang bundok na ito ay kilalang-kilala, hindi lamang dahil sa taglay na kagandahan, kundi, sa papel din nitong ginampanan sa kasaysayan ng Tsina.

Ito ay hindi kataasan at kahit para sa mga walang karanasan sa pag-akyat ay kayang-kaya itong akyatin. May taas lamang itong mahigit 500 metro.

Mga kaibigan, ito po ang aking tinungo kamakailan; at nais kong ibahagi sa inyo ang mga nasilayan ko sa lugar na ito. Ako po si Lakay Rhio, ang Guwapong Tarlakenyo, para sa "Pasyal Tips."

Kapansin-pansing, kahit na mas mababa sa sero ang temperatura, marami pa ring mga Tsino ang naglalakas-loob na pumunta sa bundok na ito dahil sa taglay nitong natural na kagandahan at mga makasaysayang gusali.

Sa paanan pa lamang ng bundok ay makikita mo na ang kulay pulang dahon ng mga halaman at puno na maaring mahulog sa lupa anumang sandali dahil sa pagdating ng taglamig. Maaamoy mo rin ang sariwa at mabangong hangin na humahalina sa mga taong nais itong akyatin.

Bitbit ang aking kamera, habol hininga kong binuno ang pag-akyat ng Xiang Shan. Ilang beses din akong tumigil dahil sa sobrang pagod.

 

Sa aking pag-akyat, nadaanan ko ang mga lumang gusaling itinayo bilang templo, pahingahan, at silid-aralan ng mga emperador ng Dinastiyang Ming (1368-1644) at Dinastiyang Qing ng Tsina (1644-1911).

Nariyan din ang mga nagsisipag-awitang mang-aakyat, upang hindi nila maramdaman ang pagod sa pagpanik.

Pagkatapos ng 3 oras na nakakahapong pag-akyat, narating ko ang tuktok ng bundok, at doon ay nalaman ko, na ang lahat ng hirap na aking pinagdaanan ay sulit na sulit naman.

Eka nga nila, "kung may tiyaga, may nilaga."

Sa tuktok ay nasilayan ko ang napakagandang paglubog ng araw habang dumadampi sa aking mukha ang malamig at mabangong hangin ng kanayunan.

Sa aking pagpanaog ng bundok, sumakay naman ako sa cable car: isang kasiya-siyang paraan ng pagbaba sa Xiang Shan.

Karagdagang Impormasyon

Noong 1745, sa ilalim ni Emperador Qianlong ng Dinastiyang Qing, 28 templo, pabilyon, pagoda, at villa ang itinayo sa lugar na ito. Nang mga panahong iyon, ang Xiang Shan ay napaliligaran ng makapal na pader.

Subalit sa pagitan ng 1860 hanggang 1900, ang lahat ng mga ito ay halos nasira, dahil sa natural na kalamidad at digmaan. Pero, dahil sa restorasyon na isinagawa ng pamahalaang Tsino, muli na nating masisilayan ang kagandahan ng mga arkitekturang ito.

Iba pang atraksyon na makikita sa Xiang Shan

 Spectacle Lake

Ang Spectacle Lake (Yanying Hu) na nasa hilagang bahagi ng parke ay binubuo ng dalawang lawa at pinagdurugtong ng isang tulay. Ito ang nagbibigay ng magandang hitsura sa dalawang lawang ito.

 Pavilion of Self Examination

Sa bandang timog kanluran ng Spectacle Lake ay ang Pavilion of Self Examination (Jianxin Zhai). Ito ay magandang tanawin na may hugis karit na lawa.

 Temple of Light

Ang Temple of Light (Zhaomiao), ay matatagpuan sa bandang timog ng Pavilion of Self Examination. Ito ay itinayo noong 1780 para sa Panchen Lama, isang pinuno ng estilong Tibetanong Budismo. Sa harapan ng templo ay may inskripsyon sa wikang Tsino, Manchurian, at Tibetano.

Liuli Ta Pagoda

Ito ay matatagpuan sa bandang kanluran ng Temple of Light. Ito ay may 7 palapag at hugis oktagon. Napapalamutian ito ng makukulay na seramikong tiles, at mayroon din itong maliliit na kampanilya na tumutunog kapag hinihipan ng hangin.

Makikita rin malapit sa pagodang ito ang daanan, na kung tawagin ay ''Even the Devil is Afraid'' (Gujianchou). Ito ang daan patungo sa tuktok ng Xiang Shan Mountain.

Diamond Throne Pagoda

Ang Diamond Throne Pagoda (Jingangbaozuo Ta) ay napalilibutan ng 4 na maliliit na pagoda at 2 estruktura na kung tawagin ay dagoba. Dito nahimlay ang mga labi ni Sun-Yat-sen, Unang Pangulo ng Tsina, bago ito inilipat sa Nanjing noong 1929. A kasalukuyan, narito pa rin ang ilang mga damit at sombrero ni Sun. Bukod dito, napakaganda ng tanawin mula sa itaas ng pagodang ito.

Direksyon sa pagpunta

Bus:

Mula sa downtown, maaring sakyan ang alinman sa mga sumusunod na bus: Bus No. 333, 634, 733, 833, 714, 360, 318, at 904. Ibababa po kayo nito sa paanan ng Xiang Shan Mountain.

Presyo ng Tiket

Peak Period: Mula unang araw ng Abril hanggang ika-15 ng Nobyembre

10 RMB

Off Season: Mula ika-16 ng Nobyembre hanggang ika-31 ng Marso

5 RMB

Note: Ang parke ay nagbubukas ng 6:00 ng umaga at nagsasara ng 5:30 ng hapon tuwing peak seaon. Kapag off season, ito ay nagbubukas ng 6:00 ng umaga at nagsasara ng 6:00 ng gabi.

Pinakabuting panahon ng pagpunta: Taglagas

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>