
Kamakailan sa kauna-unahang pagkakataon, ipinalabas ng Beijing Municipal Public Security Bureau ang mga mapa hinggil sa mga lugar at public transportation sa Beijing kung saan pinakamadalas ang insidente ng pandurukot. Sinabi ng kawanihang ito, noong unang hati ng taong ito, 7289 na kaso ng pandurukot ang naireport sa iba't ibang police stations ng Beijing, at pagkaraang maanalisa kung saan naganap ang naturang mga kaso, ginawa nito ang nabanggit na mga mapa. Ang lahat ng mga lugar sa mapa ay mga mataong lugar na gaya ng commercial districts, kinororoonan ng malalaking bus terminals, mga shanty area, at iba pa. Ang public transportation naman ay kinabibilangan ng subway line 1, 2, at 10, at ilang bus line, na pawang pinakamarami ang mga pasahero.
Pagkaraang maipalabas ang nabanggit na mga mapa, marami ang nag-react sa internet. Marami ang nagsabing maganda ito. Anila, noong una, kapag sinabing maraming mandurukot sa isang lugar, ito ay batay lamang sa sariling karanasan. Pero, sa kasalukuyan, may opisyal na impormasyon, at ito ay batay sa estadistika at pag-aanalisa, kaya mas awtorisado ito. Pero, marami rin naman ang nagpapalagay na hindi angkop ang pagpapalabas ng mga mapang ito. Anila, puwedeng magpalabas ang karaniwang tao ng babala kaugnay ng mandurukot, dahil ito ay personal na aksiyon, pero hindi dapat sarilinang magpalabas ang isang lunsod ng ganitong babala, dahil ito ay magiging opisyal na aksiyon. Ikinababahala nilang makakasama ito sa imahe ng lunsod.
Anu-ano ang masasabi ng ating mga hosts hinggil sa mga mapang ito? Anu-ano ang masasabi nila hinggil sa dalawang opinyon sa itaas? Pag-usapan Natin!