|
||||||||
|
||
Larawan ng word play: pareho ang bigkas ng "may pera sa kabayo" at "may pera kaagad" sa wikang Tsino
Batay sa 12 Chinese zodiac, ang bagong taong ito sa Chinese Lunar Calendar ay Taon ng Kabayo. Ang kabayo ay isa sa mga matalik na kaibigan ng tao. Mahaba ang kasaysayan ng paggamit ng kabayo ng sangkatauhan, at marami rin ang mga papel nito. Pag-usapan natin ang hinggil sa kabayo!
Noon sinaunang panahon dito sa Tsina, ang kabayo ay gumanap ng malaking papel sa maraming aspekto na gaya ng agrikultura (paglilinang ng lupa, transportasyon), paghahatid ng mga tao at mga kargada o daladalahan, aspektong militar (sasakyan ng mga mandirigma), sining (modelo ng pintura, eskultura), at iba pa. Ang papel sa transportasyon ay isa sa mga papel ng kabayo na dapat banggitin. Sa loob ng mahigit 1200 taon mula noong ika-7 siglo, dahil sa marami at mataas na kabundukan sa timog kanluran ng Tsina, kabayo lamang ang puwedeng gamitin para sa paghahatid ng mga kargada doon. At dahil sa kabayo ang gamit at ang tsaa ay isa sa mga pinaka-pangunahing kargadang inihahatid, ang transportasyon line na ito ay tinawag na "tea-horse ancient road."
Noong sinaunang panahon, dahil sa malaking ambag na naibigay ng kabayo para sa mga tao, inilagay ito ng mga Tsino sa unang puwesto sa anim na hayop na may malapit na relasyon sa sangkatauhan. Ang mga sumusunod sa kabayo ay baka, tupa, baboy, aso, at manok. Sa isip ng mga Tsino, ang kabayo ay isang hayop na matalino, matapang, malakas ang pakiramdam, masigla, matapat, at masipag. Dahil sa mga katangiang ito, laging ginagamit ang kabayo sa pang-araw-araw na komunikasyon ng mga Tsino. Halimbawa, kung magpapahayag tayo ng hangaring maging masigla ang isang tao, sinasabi natin na sana'y maging masigla siya na parang kabayo. Kung malaki ang ambag na naibigay ng isang tao, sinasabi nating ang kanyang nagawa ay parang ambag na ibinigay ng isang kabayong nagpapatulo ng pawis. At kung may-karanasan ang isang tao sa kanyang trabaho, sinasabi nating siya ay parang matandang kabayo, dahil alam ng matandang kabayo ang tamang daan.
"老骥伏枥,志在千里" ay isa sa mga kasabihang Tsino na may elementong kabayo. Kung literal na isasalin sa wikang Filipino, ito ay "nakayukyok sa loob ng kuwadra ang isang matandang kabayo, pero mayroon din itong ambisyon na tumakbo sa malayo." Ipinakikita ng kasabihang ito ang katangian ng pagiging masipag ng kabayo. Ito rin ay isang magandang pampasigla sa atin; ibig sabihin, "tatanda ang isang tao, pero hindi siya dapat mawalan ng ambisyon."
pagusapan20140207
|
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |