|
||||||||
|
||
Kamakailan, isinapubliko ng Ministri ng Edukasyon ng Tsina ang pambansang plano hinggil sa pagpapaunlad ng edukasyon na nagsasabing ibayo pang mapapataas ang kakayahan ng mga guro, komprehensibong mapapabuti ang kalidad ng edukasyon sa mga nayon at maisasakatuparan ang balanseng pag-unlad ng edukasyon. Kaugnay nito, ipinahayag ni Xiong Bingqi, dalubhasa mula sa Shanghai Jiao Tong University ng Tsina, na ang pagpapabuti ng kalidad ng edukasyon sa mga nayon ay nagsisilbing susi ng pagsasakatuparan ng balanseng pag-unlad ng kompulsaryong edukasyon. Sinabi niya na
"Kung hindi mapapataas ang kalidad ng edukasyon sa kanayunan, ang mga bata sa kanayunan ay mahuhuli sa mga bata sa lunsod sa aspeto ng kompulsaryong edukasyon. Ayon sa mga estadistika nitong ilang taong nakalipas, lumiliit nang lumiliit ang proporsyon ng mga estudyante sa kolehyo at pamantasan na galing sa kanayunan. Ito'y may mahigpit na kaugnayan sa di-pagtanggap nila ng mabuting edukasyon sa kanayunan, kaya dapat pataasin ang pangkalahatang kalidad ng edukasyon sa nayon."
Bukod dito, Tinukoy ni Xiong na ang kalidad ng edukasyon sa kanayunan ay may kaugnayan, hindi lamang sa mga bata sa kanayunan, kundi maging sa balaseng pag-unlad ng edukasyon ng buong bansa.
Bilang tugon sa isyu ng edukasyon sa kanayunan, iniharap sa nabanggit na plano ng pamahalaan Tsino ang isang serye ng mga hakbangin na gaya ng pagsasagawa ng pagpapalitan ng mga guro sa pagitan ng kanayunan at lunsod, pagpapabilis ng pagpapabuti ng kondisyon ng mga pasilidad ng kampus sa mga nayon at buong sikap na pagpapataas ng kakayahan ng mga guro sa kanayunan para mapasulong ang balanseng pagbabahaginan ng mga yaman ng kompulsaryong edukasyon sa buong bansa.
Kaugnay ng kalagayan ng kompulsaryong edukasyon sa mga nayon ng Tsina, ipinalalagay ni Cheng Fangping, mananaliksik mula sa National Institute for Educational Reasearch ng Tsina, na dapat pataasin ang kakayahan ng mga guro sa nayon at kanilang pagkita. Sinabi niya na
"Sa proseso ng pagpapataas ng kalidad ng edukasyon para sa buong sambayanang Tsino, ang kalidad ng mga guro ay nasa masusing katayuan. Ang halos 80% ng mga guro sa mababa't mataas na paaralan ng buong bansa ay magtrabaho sa mga nayon at mahihirap na purok. Kaya sa naturang pambansang plano, espesyal na iniharap ng bansa ang pagpapataas ng kalidad ng mga guro, lalong lalo na ng mga guro sa mga nayon. Kaugnay nito, ganap na sumang-ayon ako sa palagay na ito at dagdag pa, ipinalalagay ko na ang mas mahalaga ay dapat ipatupad ang mga target sa nasabing plano."
Kaugnay ng kung papapaanong patataasin ang lagay ng edukasyon sa kanayunan, ipinalalagay ni Xiong na dapat pabutihin ang pinagmumulan ng guro sa kanayunan at magsikap para hikayatin ang mas maraming magaling na guro na magtrabaho na perminante sa kanayunan. Sinabi niya na
"Para sa alinmang paaralan, ang guro ay nagsisilbing nukleong talento. Kahit bumubuti nang bumubuti ang kalidad ng mga pasilidad ng kampus sa kanayunan nitong ilang taong nakalipas, ang pinakapangunahing isyu para sa kanila ay kulang sa mga guro, lalo na sa mahuhusay na guro."
Nitong ilang taong nakalipas, kapansin-pansin ang natamong bunga ng Tsina sa pagpapataas ng kalidad ng edukasyon sa mga nayon na gaya ng maliwanag na pagbuti ng kondisyon ng mga paaralan sa kanayunan, pagtaas ng kalidad ng edukasyon sa kanayunan at pagkakatatag ng mekanismo ng paggarantiya ng pondong pang-edukasyon para sa mga nayon.
Kaugnay nito, sinabi ni Wang Feng, opisiyal ng Ministri ng Edukasyon ng Tsina, na pagpasok ng ika-21 siglo, naisakatuparan sa kabuuan ang target ng pagpapalaganap ng kompulsaryong edukasyon sa buong bansa at sa susunod na yugto, buong sikap na ipapatupad ang mga hakbangin na iniharap sa nasabing pambansang plano.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |