|
||||||||
|
||
Ramon: Salamat po! Magandang magandang gabi at Gong Xi Fa Cai, tama ba ang pronunciation?
Vera: Tamang tama. Ang "Gong Xi Fa Cai" ay isang paraan ng pagpapahayag ng pagbati para sa Bagong Taon sa Tsina. Ito ay nangangahulugan ng "sana maging masagana." Ngayong araw ay huling araw ng Spring Festival vacation ng mga Chinese. Noong nakaraan, ang Spring Festival ay isang kapistahan ng pagtitipun-tipon ng mga miyembro ng pamilya, pero, nitong nakalipas na ilang taon, kasabay ng pag-unlad ng kabuhaya't lipunan, nagiging isang bagong paraan ng pagpapalipas ng kapistahang ito ng mga mamamayang Tsino ang paglalakbay.
Ice Lantern & Sculpture sa Haerbin
Ramon: Oo, talagang magandang pagpili kung pupunta sa ibang lugar at makakaramdam ng magkakaibang atmosperang pangkapistahan doon.
Vera: So, sa ating palatuntunan ngayong gabi, dadalhin namin kayo sa iba't ibang lugar ng Tsina para madama ninyo ang magkakaibang atmospera ng Spring Festival.
Vera: Kuya Ramon, narinig mo na ba ang Haerbin?
Ramon: Siyembre! Buong pananabik na aantabayanan kong paparoon sa taglamig kung may pagkakataon, dahil kilalang kilala ang lunsod na ito sa yelo't niyebe, talagang kaakit-akit na lugar para sa mga kaibigang galing sa katimugan ng Tsina at mga bansa sa Timog Silangang Asya.
Vera: Korek na korek ka jan! Ang Haerbin ay punong lunsod ng Lalawigang Heilongjiang sa dulong hilaga ng Tsina. Kilalang kilala sa daigdig ang paglalakbay sa yelo't niyebe doon at ang mga katangi-tanging proyektong panturista na gaya ng ice lantern at skiing ay nakakahikayat ng napakaraming manlalakbay mula sa apat na sulok ng daigdig.
Ice Sculpture sa Haerbin
Ramon: Kung paglalakbay sa yelo't niyebe ang pag-uusapan, siyempre, hindi maaring di banggitin ang kapistahan ng yelo't niyebe na itinatangkilik ng Haerbin tuwing taglamig Ito ay isine-celebrate bandang kalagitnaan ng Enero. Kahit malamig na malamig ang temperatura sa labas, mararamdaman ninyo ang mainit na kasiglahan ng mga manlalakbay sa bawat sulok ng lunsod.
Vera: Si Ginang Qin Qiu ay isang manlalakbay na galing sa Lalawigang Guangdong ng Tsina at pinalipas niya at ng kanyang asawa ang Spring Festival sa Haerbin. Kapuwa umaasa silang magkakaroon ng "quality time" at "romantic moment sa isang maniyebeng daigdig. Ganito ang sabi ni Ginang Qin:
"Malamig ang temperatura sa Haerbin. Magandang maganda ang lunsod na ito at saan mang dako, puro niyebe ang makikita mo. Hindi ko nakita ang ganito karaming niyebe noong nakaraan."
Vera: Sigurado. Nitong nakalipas na dalawang taon, parami nang paraming manlalakbay na galing sa tropical at subtropical region ng Tsina ang nagsasadya sa Haerbin para magpalipas ng Spring Festival.
Ramon: Ayon sa estadistika, mula noong ika-12 hanggang ika-19 ng nakaraang Pebrero, Spring Festival vacation noong isang taon, nakatanggap ang Haerbin ng mahigit 2.4 milyong person-time na bisita lahat-lahat na lumaki nang mahigit 10% kumpara sa gayun ding panahon ng taong 2009; lumampas sa 2 bilyong yuan RMB ang tourism revenue noong panahong iyon na lumaki nang halos 20%. Tinaya ng dalubhasa na sa bakasyon ng Spring Festival sa taong ito, magiging bagong record sa kasaysayan ang naturang dalawang datos.
Vera: Mga kapamilya, kasabay ng magandang ritmo ng Xi'an Drums Music na tinatawag na "living fossil of Chinese traditional music",darako naman tayo sa Xi'an, punong lunsod ng Lalawigang Shaanxi sa Hilagang Kanluran ng Tsina.
Kalye ng Kaugaliang Muslim sa Xi'an
Ramon: Nasa paligid ng Xi'an ang hometown mo, di ba?
Vera: Bingo! Bilang isang taga-Shaanxi, pamilyar na pamilyar ako sa Xi'an. Alam natin, ang Xi'an ay isa sa mga pinakakilalang lumang kabisera sa Tsina. Isinalaysay ko na minsan sa inyo ang hinggil sa Xi'an sa aming palatuntunan noong nakaraan. Ramon, pag nababanggit ang Xi'an, ano ang pumapasok sa isip mo?
Ramon: Walang duda, terra-cotta warriors and horses ng Emperor Qin Shihuang's Mausoleum. Gustong gusto kong bisitahin ang dakilang tanawin doon!
Vera: Walang problema, just follow me, your best guide! Haha…
Ramon: Alam ko…
Vera: Bukod sa terra-cotta warriors and horses, ang iba't ibang masarap na pagkain sa Xi'an, lalong lalo na, tradisyonal na pagkain ng lahing Muslim, ay karapat-dapat na tikman. Pagdating ng Spring Festival, nagiging masiglang masigla ang kalye ng kaugaliang Muslim sa Xi'an. Nagtitipun-tipon dito ang maraming Muslim at manlalakbay para magdiwang ng kapistahan. Sa kalye ng kaugaliang Muslim, hindi lamang kayo makakatikim ng masarap na pagkain; makakabisita pa kayo sa mga katangi-tanging sinaunang arkitektura.
Ramon: Ang Spring Festival sa lunar calendar ng Tsina ay isang kapistahan ng pagsalubong sa tagsibol, pero malamig na malamig ang temperatura sa karamihan ng mga lugar ng Tsina sa panahong ito. Iba ang klima sa Lalawigang Hainan sa pinakatimog Tsina, kaya pinipili ng maraming mamamayang Tsino na magpalipas ng isang di-makakalimutang Spring Festival na pinapaligiran ng asul na dagat at langit sa Hainan.
Tanawin sa Hainan
Vera: Oo. Bago ang New Year's eve ng lunar calendar ng Tsina, nagpapareserba na ang lahat ng mga otel sa Hainan. Isinalaysay ni Ginoong Yang Zhekun, direktor ng Instituto ng Pananaliksik sa Turismo ng Hainan, na kung maglalakbay sa Hainan sa panahon ng Spring Festival, tiyak na magkakaroon ang mga bisita ng isang kataka-takang alaala. Sinabi niya:
"Ang Spring Festival ay panahong ginintuan para sa paglalakbay sa Hainan. Dahil sa katangian ng klima at kapaligirang ekolohikal sa lokalidad, kaakit-akit ang tanawin dito sa taglamig, kaya pinakamarami ang bilang ng mga manlalakbay sa Hainan tuwing Spring Festival. Pagkaraang isagawa ang pambansang estratehiya ng pagtatatag ng pandaigdig na islang pantursita ng Hainan, mas masigla ang turismo sa bakasyon ng Spring Festival kumpara noong nakaraan."
Vera: Ang susunod na stop ng ating biyahe ngayong gabi ay ang Espesyal na Rehiyong Administratibo ng Hong Kong ng Tsina. Sa modernong lunsod na ito, napapanatili ang tradisyonal na kaugaliang Tsino.
Ramon: Alam natin, maraming Pinoy ang naninirahan o nagtatrabaho sa Hong Kong. Posibleng ang kamag-anak ninyo ay isa sa kanila, kaya mas marami ang pagkaalam natin sa Hong Kong kumpara sa ibang lunsod ng Tsina.
Vera: Oo. As we know, ang Hong Kong ay kilalang "shopping paradise" sa buong mundo, kung paparoon, tiyak na bibisita ang mga manlalakbay sa mga kilalang sonang komersyal na gaya ng Causeway Bay. Maririnig natin ang karanasan ng isang taga-Beijing na si Ginang Kang sa Hong Kong sa bakasyon ng Spring Festival.
Fireworks Show sa Victoria Harbour
"Bukod sa shopping, naramdaman ko rin ang atmospera ng kapistahan sa Hong Kong. Nanood ako ng makukulay na palabas sa Tsim Sha Tsui, maluningning na fireworks show sa Victoria Harbour at horse racing bilang pagbating pang-Bagong Taon."
Ramon: Sounds interesting, ah?
Vera: Talaga naman.. Pagkatapos ng isang taon na masipag na pagtatrabaho, kinakailangan ng mga mamamayan ang ganitong pagkakataon ng paglilibang para mapatingkad ang bagong kasiglahan at maligayang salubungin ang pagdating ng bagong taon.
Ramon: Korek.
Vera: At diyan nagtatapos ang special programme ngayong gabi, maligayang bagong taon muli sa inyong lahat!
Ramon: Masaganang bagong taon, bye!
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |