|
||||||||
|
||
Sa pagpasok nitong tagsibol, ang mga bahay-kalakal sa Tsina ay nagsimula nang aktibong maghanap ng mga estudyanteng magtatapos sa kolehiyo sa Hulyo. Gayunman, para sa 6.6 na milyong estudyanteng Tsino na magtatapos sa pamantasan sa taong ito, nananatili pa ring mahigpit ang kalagayan ng pagkakataon para sa trabaho. Ayon sa isang dalubhasa, para malutas ang isyung ito, dapat baguhin ng nasabing mga estudyante ang kanilang atityud sa paghahanap ng trabaho at dapat ring magtatag ang pamahalaan ng pangmatagalang mekanismo para tulungan ang mga bagong gradweyt na makakita ng trabaho.
Si Xin Yi ay isang estudyante na magtatapos sa kolehiyo sa Chengdu sa darating na Hulyo ng taong ito. Sa kasalukuyan, abalang abala siya at ang kanyang mga kaklase sa paghahanap ng trabaho. Hindi madali para sa kanya na makakita ng trabaho na talagang gusto niya. Sinabi niya na:
"Hindi pa kami nakakakita ng trabaho ng mga kaeskuwela ko kasi mahirap maghanap ng trabaho na angkop sa aming pinag-aralan sa pamantasan at may magandang suweldo."
Maraming-marami pang estudyante na tulad ni Xin Yi sa Tsina. Nitong ilang taong nakalipas, kasunod ng pagdaragdag ng mga kolehiyo at pamantasan ng bilang sa pangangalap ng mga estudyante, ang bilang ng mga nagtapos na estudyante sa mga pamatansan sa taong ito ay aabot sa 6.6 na milyon na naging rekord sa kasaysayan at dahil naman sa epekto ng pandaigdig na krisis, nagbawas din ang mga bahay-kalakal ng bilang ng mga tatanggaping bagong empleyado. Sa gayon, humihigpit ang oportunidad sa trabaho ng mga bagong gradweyt.
Upang mapahupa ang presyur sa paghahanap ng trabaho ng mga bagong gradweyt ng pamantasan, isinapubliko ng pamahalaang Tsino ang mga katugong hakbangin na kinabibilangan ng pagkakaloob ng impormasyon hinggil sa trabaho, pagsasagawa ng pagsasanay na bokasyonal, pagpapasulong ng pagsisimula ng sariling negosyo at iba pang mga may kinalamang serbisyo. Dahil sa mga pagsisikap na ito, halos 80% ng mga nagtapos sa pamantasan noong 2010 ang nagkahanap-buhay.
Dahil mahirap makakita ng angkop na tabaho, ang ilang estudyante ay nagdesisyon na lamang na magtayo ng sariling negosyo. Si Xiao Kaikun ay isang bagong gradweyt ng Beijing Technology and Business University at ang una niyang ginawa pagka-gradweyt ay nagtinda ng mga prutas at gulay sa isang bloke na pinaninirahan niya sa Distrito ng Shijingshan dito sa Beijing. Kahit hindi pa siya natatagalan sa trabahong ito, kilala na siya sa mga bloke sa paligid at ikinasisiya niya ang pagsisimula ng sariling negosyo. Sinabi niya na
"Hindi lamang ako nagbebenta ng mga prutas at gulay, kundi idini-deliber ko pa ang mga ito nang libre doon mismo sa mga bahay ng mga bumibili. Masayang-masaya ako sa trabahong ito at lipos ako ng kompiyansa sa aking negosyo."
Kasunod ng paglaganap ng higher education sa publiko, ang kahirapang dinaranas ng mga bagong gradweyt na Tsino sa paghahanap ng trabaho ay mananatili pa ring isang isyung panlipunan. Kaugnay nito, sinabi ni Xiong Bingqi, propesor mula sa Shanghai Jiaotong University at kilalang educator sa Tsina, na para malutas sa saligan ang isyung ito, dapat maitatag ng pamahalaan ang pangmatagalang komprehensibong mekanismo para rito. Sinabi niya na
"Una, dapat mabago ang kasalukuyang estrukturang pang-industriya ng bansa. Tulad ng alam ng lahat, ang industriya ng serbisyo ay industriyang nakakakalap ng pinakamaraming bagong gradweyt ng pamantasan, pero sa kasalukuyan, ang halaga ng industriyang ito ng Tsina ay katumbas lamang ng 40% ng GDP nito. Ikalawa, dapat mapangalagaan ang pantay na kapaligiran ng hanap-buhay at ikatlo, dapat isagawa ang reporma sa higher education para makapagkaloon ng kurso na nakakatugon sa aktuwal na pangangailangan ng lipunan."
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |